Queen P, umaming sinaktan ang sarili at lumaklak ng alak!

Queen P, umaming sinaktan ang sarili at lumaklak ng alak!

December 14, 2021 @ 1:22 PM 10 months ago


Manila, Philippines – Posible palang may mental health problem na ang isang tao pero madidiskubre lang n’ya ‘yon ‘pag nagsimula na siyang gumawa ng mga bagay na nakakasakit sa kanyang sarili.

‘Yan ang inamin ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, 32, kamakailan sa TedxSingapore na inilabas din niya sa kanyang YouTube channel.

Inamin n’yang na-diagnose siya ng mga doktor sa New York ng “general anxiety” at “major depression” matapos niyang makamit ang korona sa prestihiyosong beauty pageant nu’ng 2015.

Ang mga opisyal mismo ng Miss Universe Organization ang nagturo sa kanya na komunsulta na sa nga espesyalista matapos n’yang ipagtapat ang nangyayari sa kanya at ang mga ginagawa n’ya sa kanyang sarili.

Sa paningin ng madla pagkapanalo nya ng titulo ay okey na okey siya.

Hindi pa raw niya kaagad naintindihan na may mental health issues na siya dahil todo-trabaho pa rin siya.

Pagtatapat n’ya sa TedxSingapore: “On the outside I was fulfilling my duties as Miss Universe, and working nonstop, and traveling to different countries and working with different organizations.

“I wasn’t missing a beat at all. Nobody saw it. I was always on time. I never missed a day of work and I just kept going.

“But as soon as the doors of my room close, I was a different person.”

‘Pag mag-isa na lang daw siya sa kuwarto, umabot siya sa puntong sinaktan niya ang sarili at dumepende siya sa alak para pagtakpan ang depression.

“The thoughts, the doubt, the worry in my head were louder than the cheers.

“I had unhealthy coping habits. Plural. I’ll say it straight out,” pag-amin n’ya.

Mistulang litanya n’ya: “I became anorexic. I was self-harming. I was pulling my hair, a condition called trichotillomania.

“And in the four corners of my room I also abused alcohol.”

“Inner demons” ang tawag ng mga psychologist sa mga bagay na matinding bumabagabag sa tao sa loob ng maraming taon.

Hndi raw sumagi sa kanyang isip  na sa kabila ng tagumpay ay makakaramdam siya ng pagragasa ng inner demons dala ng personal issues niya mula pagkabata.

Binanggit ni Pia na sa edad na siyam na taong gulang ay iniwan siya ng kanyang ama at ng kanyang ina.

Nu’ng 11 years old na siya,  nagsimula siyang maging modelo at naging “breadwinner” ng pamilya.

Naranasan daw nilang tumira sa maliit na bahay sa tabing-ilog, at hindi raw niya malilimutan na tuwing may bagyo ay abot hanggang dibdib ang bahang pumapasok sa kanilang bahay.

Nu’ng nasa 20s na ang edad n’ya ay isa pa rin daw siyang “struggling actress” na nabubuhay sa “paycheck to paycheck.”

Nagkaroon din daw siya ng toxic relationship kung saan namanipula siya ng kanyang nobyo na iwan ang trabaho niya at mga kaibigan.

Nakakagulat malaman na kahit pala isang banyaga ang ama ni Pia, dumanas din pala siya ng paghihikahos at pagiging breadwinner ng pamilya.

Malamang ay naayos na ni Pia ang pag-iisip n’ya kaya may lakas ng loob na itong ibahagi sa madla ang kanyang kahindik-hindik na kapobrehan bago siya naging Miss Universe. Danny Vibas