Queenie, magpapaulan na sa Surigao, Dinagat

Queenie, magpapaulan na sa Surigao, Dinagat

November 1, 2022 @ 8:00 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Hindi pa man tuluyang nakababangon ang bansa sa epekto ng Bagyong Paeng, nagbabanta na naman ang isang panibagong bagyo na nasa silangan ng Mindanao.

Ayon sa PAGASA sa kanilang pinakahuling bulletin, magdudulot na ngayong araw, Nobyembre 1 ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang Tropical Storm Queenie sa mga probinsya ng Surigao del Norte, Surigao del Sur at Dinagat Islands.

Mararamdaman ang kaparehong panahon hanggang bukas, araw ng Miyerkules.

Samantala, ang mga probinsya sa Eastern Visayas, Davao Oriental at nalalabing bahagi ng Caraga Region ay makararanas naman ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan na minsan ay may kalakasan.

Sa huling ulat, namataan ang sentro ng bagyong Queenie sa layong 490 kilometro silangan ng Davao City taglay ang lakas ng hangin na 65 kilometro kada oras at pagbugso na 80 kilometro kada oras.

Kumikilos ito sa direksyong westward sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Wala pang nakataas na anumang tropical cyclone wind signals sa mga sandaling ito. RNT/JGC