Quezon Huskers palaban sa MPBL

Quezon Huskers palaban sa MPBL

March 9, 2023 @ 2:20 PM 2 weeks ago


QUEZON HUSKERS  – Opisyal na ipinakilala nina Quezon Province Gov. Helen Tan (gitna) at team manager Dan Kapunan ang Quezon Huskers bilang bagong koponan sa MPBL. Nasa lawan din si Lucena City Mayor Mark Alcala (ikatlo mula sa kaliwa) at mga miyembro ng koponan.REY NILLAMA

MANILA, Philippines – Bagito, ngunit may pusong palaban ang Quezon Huskers – ang bagong koponan na aabangan ng bayang basketbolista – sa paglarga ng ika-limang season ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa Sabado (Marso 11) sa Lucena Convention Center sa Lucena City.

Sa pangangasiwa ni dating PBA coach (Global Port) at  2013 UAAP champion Far Eastern University Eric Gonzales, binubuo ang Huskers ng mga dating Gilas junior standouts, dating PBA mainstay ang homegrown players sa pangunguna ng pambato ng Lucena City na si Topeng Lagrama.

“Nagpatawag ako ng try-outs for the team, almost 100 players ang dumating, pero may nagsabi sa akin na may isang player dito (Topeneng Lagrama) na talagang  magbibigay sa team ng leadership at maging crowd-drawer para sa lalawigan ng Quezon,” pahayag ni Gonzales sa ginanap na media launching ng koponan nitong Miyerkoles sa old Capitol building ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon.

Ang 57-anyos na si Gonzales ang humubog sa ilang matitikas na PBA players sa kasalukuyang kabilang ang one-time MVP na si Terrence Romeo sa FEU.

Ibinida naman ni Quezon Province Gov. Dr. Angelina ‘Helen’ Tan ang buong suporta ng lalawigan para sa koponan na aniya’y magiging bahagi ng isinusulong na programa ng Quezon na mas palakasin ang sports tourism at maipakilala ang Quezon bilang isang progresibong lalawigan sa Southern Luzon at sa buong bansa.

“With the help of our friends from the private sector, the office of the Mayor of Lucena and the 4th District of the province, sinuportahan namin ang pagbuo at pagsali ng team sa MPBL as a way to help us in promoting the beauty and the culture of the Quezon province. Marami kasi, pag tinanong kung tagasaan ka, pag sumagot ng taga-Quezon, parang naliligaw sila di nila alam ang aming lalawigan. With this, puwede nyo nang kilalaning maige at magtungo kayo sa aming lalawigan,” sambit ni Gov. Tan sa naturang media launching na dinaluhan din nina Lucena City Mayor Mark Victor Alcala at team manager Don Kapunan.

“We’re inviting all of you to come in Quezon and watch the MPBL opening ceremony and show your support to our Quezon Huskers first game. Ipaparada rin natin ang magagandang dilag ng Quezon at magpapalabas tayo ng short videos para maipakita ang magagandang lugar at mga tourist attraction ng buong lalawigan,” pahayag ni Tan.

Makakaharap ng Quezon Huskers sa main game ng double-header attraction ganap na alas-8:00 ng umaga ang bagito ring koponan na Negros Mascuvados. Magtutuos sa unang laro ganap na alas-6 matapos ang opening ceremony ganap na alas-4 ng hapon ang Bataan at Rizal.

“All out support kami sa Quezon Huskers, pati ang aming mga kababayan tiyak excited na ring mapanood ang mga homegrown players na inaasahan nating magtataguyod sa pride ng lalawigan,” sambit naman ni Mayor Alcala.

Bukod sa point guard na si Lagrama, ang homegrown players ng Huskers ay sina Bryant Placino, Arjay Dongog, Paeng Salonga at dating PBA player Jeric Teng. Kabilang din sa line up ang 6-foot-10 Fil-Norwegian at Ginebra draftee na si Ken Holmsqvist, dating Batang Gilas mainstays AJ Madrigal,  Brix Ramos, CJ Catapusan, Mark Alcala, Allan Beltran, Al Francis Tamsi, RJ Minerva, Thomas Torres, Rodel Gravera, JK Casino, Jaggie Gregorio at Daryl Pascual.

“May apat pa akong kinakausap na dating PBA players, hopefully mag-materialized. Si Will Gozum nasa amin din pero di pa makalalaro dahil may inaayos pa sa dati niyang kontrata,” pahayag ni Gonzales.RICO NAVARRO