Quezon Rep. Danilo Suarez, opisyal nang Minority Leader

Quezon Rep. Danilo Suarez, opisyal nang Minority Leader

August 7, 2018 @ 4:24 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Opisyal nang kinilala ng mga kongresista, mayorya man o minorya si Quezon Rep. Danilo Suarez bilang minority leader.

Sa pamamagitan ng viva voce ay kinilala ng mga kongresista si Suarez na Minority Leader at walang opisyal na numero kung ilan sa mga kongresista ang bomoto ng pabor at tutol sa kaniya.

Ito ay ang pagsigaw lamang ng “ayes” para sa pabor at “nayes” sa tutol.

Naganap ang botohan dalawang linggo matapos ang iringan kung sino ang uupong Minority Leader simula nang mapatalsik si dating House Speaker Pantaleon Alvarez at ang pag-upo ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Pagkatapos ng botohan ay agad nagsuspinde ngunit nang magbalik ay agad na tumayo si Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas upang kuwestyunin kung paano naitala ang kaniyang boto.

Sagot ni Deputy Speaker Fredenil Castro, ang tumayong presiding speaker, na itatala ang boto ni Fariñas sa mga tutol.

Agad ding tumayo si Marikina Rep. Miro Quimbo, isa sa mga nagnanais na maging Minority Leader, upang sabihin na isang malaking paglabag sa naging desisyon ng Korte Suprema sa Baguilat Vs. Alvarez noong July 25, 2017 ang pagluklok kay Suarez bilang Minority Leader.

Saka sumunod si ABS partylist Rep. Eugene de Vera, isa ring nagnanais na maging Minority Leader, sa pagsasabing mahigpit niyang tinututulan ang pagkilala kay Suarez.

“This is the first time that the plenary decided who will seat as Minority Leader. This is not the intention and interpretation of the rules – ginagamit ninyo ang tyranny ng numero kahit baluktot ang resulta nito,” bahagi naman ng manipestasyon ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao bilang kinatawan ng Makabayan Bloc na sumapi sa grupo ni Quimbo.  (Meliza Maluntag)