Quiboloy pwedeng dalhin sa US sa ilalim ng ‘temporary surrender’ – DOJ

Quiboloy pwedeng dalhin sa US sa ilalim ng ‘temporary surrender’ – DOJ

February 9, 2022 @ 8:52 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Justice (DOJ) na maaari pa ring dalhin si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo C. Quiboloy sa Estados Unidos, kung hihilingin ang kanyang extradition, kahit na may nakabinbing kasong kriminal laban sa kanya sa Pilipinas.

Sinabi ni DOJ Chief State Counsel George O. Ortha II nitong Martes, Peb. 8, na ang isang “pansamantalang pagsuko” ng isang tao sa requesting state ay maaaring gawin sa ilalim ng Article II ng Philippines-US Extradition Treaty.

“If the subject of the extradition is being prosecuted or is serving a sentence dito sa atin, pwede po ang temporary surrender (if the subject of the extradition is being prosecuted or is serving a sentence here in the Philippines, temporary surrender to the US is allowed),” paliwanag ni Ortha .

Sa ilalim ng Article 11 ng tratado, nakasaad dito na:  “If the extradition request is granted in the case of a person who is being prosecuted or is serving a sentence in the territory of the Requested State, the Requested State may temporarily surrender the person sought by the Requesting State for the purpose of prosecution. The person so surrendered shall be kept in custody in the Requesting State and shall be returned to the Requested State after the conclusion of the proceedings against that person, in accordance with conditions to be determined by agreement between the Contracting Parties.”

Matatandaang si Quiboloy at dalawa pang miyembro ng relihiyosong grupo ay kinasuhan noong Nob. 10, 2021 sa US District Court para sa Central District of California sa Santa Ana, California para sa “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion and sex trafficking ng mga bata; sex trafficking sa pamamagitan ng puwersa, pandaraya at pamimilit; pagsasabwatan; at bulk cash smuggling.”

Dahil sa sakdal, naglabas ang US Federal Bureau of Investigation (FBI) ng mga “wanted” posters ni Quibuloy.

Sa Pilipinas naman, ang reklamo sa umano’y panggagahasa at pang-aabuso sa bata laban kay Quiboloy noong 2020 ay ibinasura ng Davao City Prosecutor’s Office.

Ngunit inapela naman ang nasabing kaso sa DOJ kung saan nakabinbin pa rin ito.

“Kung ma-dismiss pa rin yun appeal, at kung wala na syang kinakaharap na kaso dito sa atin, hindi na po applicable ang temporary surrender kasi posible na po ang extradition,” dagdag pa sa paliwanag ni Ortha.

Sinabi niya na ang gobyerno ng Pilipinas ay hindi nakatanggap ng kahilingan mula sa gobyerno ng US para sa extradition ni Quiboloy. RNT