Rabies vaccine scandal sa China, 15 kasangkot timbog

Rabies vaccine scandal sa China, 15 kasangkot timbog

July 26, 2018 @ 8:07 AM 5 years ago


 

Beijing, China – Hawak na ng mga awtoridad ang 15 indibidwal na kasangkot sa lumalang kaso ng pamemeke ng records ng mga gumagawa ng rabies vaccine sa China.

Kabilang sa mga nahuli ay ang CEO ng Changchun Changsheng Life Sciences Ltd., na inaakusahan ng pamemeke ng production and inspection records ng kompanya, matapos ang isinagawang surpresang pagbisita sa opisina ng kompanya ng mga inspector noong nakaraang linggo.

Kasama rin sa mga nahuli ang 14 pang ehekutibo ng kompanya, ayon sa inilabas na CCTV kahapon  (July 25).

Mabilis na inaksyonan ng mga awtoridad ang nasabing insidente sa utos nina President Xi Jinping at Premier Li Keqiang upang mapigilan ang lumalaking bilang ng public health scandals, lalong lalo na kapag kasangkot ang mga bata.

Ikinatuwa naman ng World Health Organization (WHO) ang agarang aksiyon ng China at sinabing nagpapakita ito na, “when regulatory oversight works well, potential risks can be averted.”

“While the current incident is clearly regrettable, the detection of this event by an unannounced inspection shows that the regulatory authority’s system of checks and balances to protect population health is working,” sabi pa ni WHO Beijing office sa isang statement.

Sinuspinde ng mga awtoridad ang produksyon ng planta ng kompanya sa hilagangsilangan ng China habang ang mga vaccine naman ay naka-impound na.

Mabilis na kumalat ang balita tungkol sa pagsasara ng kompanya sa social media kung saan ibinalik nito ang alaala ng mga nakaraang kaso tungkol sa maanumalyang gamot at mga bogus na gatas ng bata na gawa sa starch.

Matatandaan rin na noong nakaraang dalawang taon, pumutok ang balita tungkol sa kaprehong insidente matapos sugurin ng mga pulis ang kampo ng mga kriminal at natagpuan ang milyon-milyong baby vaccine—ngunit hindi nagpasa ng kahit anong kaso patungkol dito. (Remate News Team)