Ragos nag-sorry kay de Lima

Ragos nag-sorry kay de Lima

November 5, 2022 @ 10:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- “I am really sorry.”

Ito ang sinabi ni dating Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Rafael Ragos kay dating Senator Leila de Lima nitong Biyernes nang aksidenteng magkita matapos ang hearing ong natitirang drug-related charges na inihain laban sa ex-legislator sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC).

Dumalo si Ragos, isa sa mga saksi na tumestigo laban kay de Lima, sa hearing matapos pagtibayin ng Muntinlupa court ang utos nito na payagan siyang muling tumestigo at bawiin ang kanyang mga alegasyon laban sa dating mambabatas.

Magugunitang binawi ni Ragos ang kanyang alegasyon na siya, kasama ang aide na si Jovencio Ablen Jr., ay nagdala ng milyong halaga ng pera mula sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison sa tahanan ni de Lima sa Parañaque City noong 2012.

Iginiit ni De Lima, na nagtalaga kay Ragos bilang officer-in-charge ng Bureau of Corrections noong kanyang termino bilang justice secretary, na hindi kailanman siya nasangkot sa illegal drug trade.

Isa si Ragos sa tatlong testigo na binawi ang alegasyon laban kay de Lima. Kabilang dito ang convicted murderer na si Joel Capones at drug personality na si Kerwin Espinosa.

Nakaditene si De Lima mula Pebrero 2017 dahil sa umano’y pagkakasangkot sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison sa kanyang panunungkulan bilang justice secretary mula 2010 hanggang 2015.

Isa sa tatlong kaso laban sa kanya ang ibinasura ng Muntinlupa court subalit pending pa ang dalawa. RNT/SA