Railroading ng Kamara sa Cha-Cha, pinalagan

Railroading ng Kamara sa Cha-Cha, pinalagan

July 17, 2018 @ 2:35 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Pinalagan kahapon ni Senador Bam Aquino ang plano ni Speaker Pantaleon Alvarez na gamitin ang joint session upang buuin kaagad ang constituent assembly sa pagpapalit ng Saligang Batas.

Iginiit ni Aquino na hindi niya papayagan, kasama ang mga kapwa senador, ang railroading at pambabastos sa proseso ng pagbabago sa 1987 Constitution.

“I doubt that any senator, opposition or administration, will allow a bastardization of the Constitutionally-mandated process,” wika ni Sen. Bam.

Ginawa ni Sen. Bam ang pahayag sa harap ng mga balita na gagamitin ang joint session para sa State of the Nation Address para buuin ang Constituent Assembly na siyang magbabago ng Saligang Batas.

Ayon kay Sen. Bam, nagkasundo ang Senado na hindi nito hahayaan na madaliin ang anumang pagbabago sa Konstitusyon.

Sa halip na isulong ang Charter Change, nanawagan si Sen. Bam sa pamahalaan na tutukan ang problema ng mataas na presyo ng bilihin dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

“Nakakahiya naman sa taumbayan na habang nalulunod sila sa taas-presyo ay Cha-Cha at No-El ang pinag-uusapan ng gobyerno,” wika ni Sen. Bam, isa sa apat na senador na bumoto laban sa ratipikasyon ng tax reform program ng gobyerno.

“Hanapan na lang natin ng solusyon ang tumitinding pagtaas ng presyo, imbis na pilitin ang Cha-Cha,” dagdag ni Sen. Bam.

Nanawagan din si Sen. Bam sa pamahalaan na tutukan ang kapakanan ng mga Pilipino, at huwag ang pansariling interes ng mga pulitiko. (Ernie Reyes)