‘Rainbow River’ pinakabagong tourist attraction ng Antique

‘Rainbow River’ pinakabagong tourist attraction ng Antique

March 12, 2023 @ 11:54 AM 3 weeks ago


SAN JOSE DE BUENAVISTA, Antique –AGAW-pansin ngayon sa mga turista ang bagong atraksyon sa probinsya ng Antique ang “Rainbow River” sa Sibalom Natural Park (SNP) matapos itong itampok ng United Nations Development Program-Biodiversity Finance Initiative (UNDP-BIOFIN) noong Pebrero.

Sa pahayag ni SNP Protected Area Superintendent Anthony Evangelio, isang manunulat ng UNDP-BIOFIN ang humanga sa maraming kulay ng mamahaling bato na natagpuan nito sa Mau-it River sa kanyang pagbisita at pinangalanan ang ilog na umaabot sa SNP bilang Rainbow River.

Dahil sa nakakaengganyong tanawin hindi nawawalan ng turistang bumisita araw-araw sa SNP.

Sinabi pa ni Evangelio, na ang Mau-it headwater ay umaabot mula Barangay Aningalan, San Remigio hanggang Indaga Creek sa Barangay Imparayan, Sibalom at napakayaman sa semi-precious stones tulad ng quartz, jade, at onyx na pinoproseso ng mga lokal na alahas.

Bukod sa Rainbow River, ang iba pang mga atraksyon sa loob ng parke ay ang bihira ngunit namumulaklak ngayon na Rafflesia speciosa, na itinuturing na isa sa pinakamalaking bulaklak sa buong mundo na maaaring lumawak ng hanggang 22 pulgada ang lapad, Visayan warty pig, Visayan Tarictic at Walden’s hornbills at Visayan batik-batik na usa.

“Talagang maa-appreciate ng mga turista ang semi-precious stones sa Rainbow River ngayong tag-araw dahil sa mababaw na tubig,” aniya.

Nakiusap naman ang SNP sa mga turista na busugin lamang nila ang kanilang mga mata para matanggal ang pagod sa mga magagansang tanawin at pagligo sa ilog.

Pwede itong kunan ng litrato at huwag kunin ang mga bato bilang souvenir para sa lugar na mapangalagaan.

Ang mga lokal na alahas ay pinapayagan lamang na kunin ang maliliit na piraso ng mga bato sa ibaba ng agos at hindi sa loob ng protektadong lugar.

Ang mga semi-precious stones ay kabilang sa mga mapagkukunang sakop ng Republic Act 7586 o kilala bilang National Integrated Protected Areas System Act (NIPAS) at ang RA 11038 o ang Expanded NIPAS Act of 2018 na iingatan sa loob ng SNP./Mary Anne Sapico