RAKET NG MGA TAGA-LAND BANK

RAKET NG MGA TAGA-LAND BANK

October 21, 2022 @ 4:28 PM 1 month ago


NATALISOD natin muli ang kwento ng isang negosyanteng nakaranas ng hagupit ng raket sa Land Bank of the Philippines na imbes mapalago ang kanyang negosyo ay nagkalugi-lugi pa ito.

Sa kanyang pagrereklamo, agad namang natanggal ang mga sangkot na empleyado ng LBP at kinasuhan pa sa Ombudsman ang mga ito.

Pero para kay Mr. Albert Ching, ang pagtatanggal sa serbisyo ng mga LBP officials at kasuhan ang mga ito ng graft and corruption sa Office of the Ombudsman ay di sapat para mabawi niya ang naluging malaking halagang naiutang sa banko at pagkaka-ilit ng kanyang ari-arian.

Nagsimula ang lahat nang si Ching, isang local franchisee’ ng isang sikat na US brand apparel, ay nangailangan ng pondo para sa kanyang negosyo noong noong 2017. Nakumbinsi ng dalawang Bumbay niyang kaibigan na sina ‘Ravin M’ at Rajiv C’ na mangutang ng P50 milyon sa LBP, payable in 6 months, at sila na ang “bahala.”

Fixer at hindi mga facilitator itong mga Bumbay na kaibigan ni Ching,dahil naningil ito ng 10 percent sa kanilang serbisyo.

Kapit na sa patalim, pumayag na rin si Ching pero nagulat siya nang sa halip na P45 milyon ang makukuhang pautang ay naging P26 milyon lang ang kanyang natanggap dahil may ‘hold-out amount’ daw na P15 milyon (26 percent) habang “pinag-aaralan” pa ng LBP kung paano siya makakabayad.

Lumalabas, sa estilo ng raket sa LBP, iipitin yung balance nang utang mo para muli kang mangutang na mas mabigat ang kapalit- mga real estate properties.

Sa kaso ni Ching, napilitan siyang “magprenda” ng ari-arian bilang kolateral para sa panibagong utang na P50 milyon-para na rin makuha lang niya ang “inipit” na P15 milyon sa orihinal niyang utang.

Mabuti na lamang, ang unang nilapitan ni Ching sa kanyang naging problema sa raket ng LBP ay itong si dating ACT-CIS partylist representative at ngayon ay DSWD undersecretary, Niña Taduran na siyang nagpatawag ng imbestigasyon sa Kongreso. Dangan nga lamang ay inabot na ito ng recess dahil sa nagdaang halalan.

Nabuhay uli ang imbestigasyon dahil nakumbinsi ni Taduran itong si Marikina Congresswoman Stella Quimbo na ituloy ang pagsisiyasat, para talupan ang raket sa Land Bank of the Philippines.

Magbibigay ako ng update kaugnay sa raket ng nasabing bangko kapag nagsagawa na si Congresswoman Quimbo nang pag-iimbestiga. Dito magkakabukingan na at lalabas ang mga sangkot.