RAMBULAN SA PULITIKA AT PAGHAHATI-HATI

RAMBULAN SA PULITIKA AT PAGHAHATI-HATI

April 28, 2022 @ 11:20 AM 2 months ago


KONTING tulog na lang, nandiyan na ang paghuhukom sa mga politikong kandidato sa mga posisyong konsehal, mayor, kongresman, bokal, gobernador, partylist, senador, Bise Presidente at Presidente.

At gaya ng dati, hindi nakapagtatakang tarantang-taranta ang lahat ng mga kandidato.

Lalo na ang mga nangungulelat sa mga sarbey.

Kung bakit kasi nauuso na ang mga sarbey na pinagbabatayan ng mga kandidato ang kanilang kalagayan na manalo o matalo.

Hindi naman natin masisi maging ang mga mamamayan na nadadala rin sa sarbey lalo na kung iisipin na nanggagaling din sa kanila ang mga datos ng sarbey.

Hindi malilimutan ng lahat, halimbawa, ang mga nagdaang sarbey bago nagkaroon ng halalan noong 2019.

Noon, hindi makalapit-lapit ang mga kandidato ng Otso Diretso sa mga Magic 12 kung tawagin o ang mga nangungunang 12 senador.

At nangyari ngang wala ni isa sa mga kandidato ng Otso Direto ang nakalusot na maging senador.

PAGKAHATI-HATI NANG MAY AWAY

Kung tumutok tayo, mga Bro, sa pagbabasa sa mga ulat ng mga diaryo tulad ng ating Remate, anak ng tokwa, napakarami talaga ang mga kandidatong nanggagaling sa iisang pamilya.

‚ÄėYun bang === magpapamilya o magkakamang-anak ang mga tumatakbo sa iba‚Äôt ibang lokal at nasyunal na posisyon.

At madalas na nag-aaway rin ang marami sa mga ito, lalo na kung iniendorso ng mga nasyunal na kandidato ang kani-kanilang mga manok na lokal.

Kasabay nito ang pagbubuhos ng mga pondo, campaign material at suporta para sa mga lokal na kandidato.

May mga magkakamag-anak pa nga na dahil sa seryoso nilang alitan sa pulitika, nagpapatayan pa.

PAGKAHATI-HATI NANG WALANG AWAY

Meron ding mga magkakamag-anak o magkakaibigan na kandidato ang kunwa’y naghahati-hati o nag-aaway-away.

Pero nasa likod ang kanilang pagkakaisa at nagiging isport sila sa mga nananalo o natatalo at hindi iniinda ang mga posible o totoong pagkahati-hati nila.

Ang laro nila, mga Bro, pinakaimportante na manalo o matalo sila basta sila ang mga nasa poder.

Tutal, sa kalaunan, magkakasama naman sila sa empleyo makaraan ang isang taon o kaya’y magkakasosyo sa mga negosyo, ligal man o iligal.

At ang isa pang maganda para sa kanila, manalo-matalo sila, panalo pa rin sila lahat dahil may koneksyon sila sa iba at sa itaas na talaga namang kailangan para sa pagsusulong ng kanilang mga programang pambayan.

GUSTO NG TAUMBAYAN

Sa kabilang banda, pinakamahalaga pa rin ang kagustuhan ng taumbayan, lalo na ang nakararami, at dapat itong respetuhin.

Hindi matatawaran ang talino, paniniwala at pagtingin ng nakararami sa malayong kinabukasan.

Karaniwang ito ang mga dahilan ng pagboto nila sa mananalo sa botohan.

Higit silang umaasa na ang kanilang iboboto ang makatutugon sa kanilang mga pangangailangan na makabubuti rin sa buong komunidad, bayan, lalawigan o buong bansa.

Kaya naman, wala na tayong masabi kung nagpasya na ang higit na nakararami.

Kung liliko sa ibang daan ang kanilang mga ibinoto, may mga paraan naman para ituwid sila o sibakin sa pwesto.

Naririyan ang recall election, ang impeachment, ang Ombudsman at hukuman at iba pa.

Gumagana rin ang tinatawag nating karma.