Rapist na ama, arestado

Rapist na ama, arestado

July 7, 2021 @ 8:38 AM 1 year ago


NUEVA VIZCAYA-Arestado ang isang 50-anyos na ama na itinuturing na Top 5 Most Wanted Person – Regional Level ng Women and Children Protection Desk nang isilbi ang kanyang warrant of arrest dahil sa paulit-ulit na panggagahasa nito sa kanyang sariling anak na menor de edad sa bayan ng Bambang dito sa nabanggit na probinsya

Ayon kay PCol. Ranser Evasco, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO ay isinagawa ang isang manhunt operation ng pinagsanib na pwersa ng Bambang Police Station sa pangunguna ni PMaj. Frederick Ferrer, Officer In-Charge, 2nd Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company (NVPMFC), Provincial Intelligence Branch (PIB), NVPPO at CIDG, NVPSU kung saan ay matagumpay na nadakip ang suspek na kinilalang si Diosdado Telan, may asawa na residente ng Barangay Macate, Bambang, Nueva Vizcaya.

Inisyu ang Warrant of Arrest mula sa sala ni Hon. Judge Paul R. Attolba, Jr. ng Regional Trial Court Branch 30, sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya noong Hunyo 15, 2021 kung saan napatawan ang suspek ng kasong four (4) counts of RAPE at two (2) counts of RAPE by sexual assault na walang karampatang pyansa.

Base sa salaysay ng biktima, nagsimula ang panghahalay ng kanyang ama noong siya ay labing anim na taong gulang pa lamang kung saan paulit ulit na ginagahasa at minomolestiya ng sariling ama.

Napag-alaman na anim na magkakapatid ang biktima ngunit tatlo na lamang silang naninirahan sa puder ng kanyang ama kung saan mag isa syang babae na naiwan dahil sa may sariling pamilya na rin ang iba sa kanyang mga kapatid habang ang kanilang ina ay may ibang pamilya na ring inuuwian.

Todo tanggi ng suspek ang paratang sa kanya at sinasabing gumagawa lang ng kwento ang kanyang anak.

Pansamantala nasa pangangalaga ng Bambang Police Station ang akusado para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon bago ipasakamay sa court of origin. REY VELASCO