Realignment ng P650M confidential funds ng DepEd, OVP inihirit ni Pimentel

Realignment ng P650M confidential funds ng DepEd, OVP inihirit ni Pimentel

October 1, 2022 @ 1:42 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Susubukan ng minority bloc na i-”realign” ang confidential funds na inilaan para sa Department of Education at sa Office of the Vice President, ayon kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III nitong Biyernes.

Nanawagan din si Pimentel para sa realignment ng P150-million confidential funds sa ilalim ng DepEd at kinuwestiyon ang kahalagahan ng pondo para sa civilian agency na nasgsusulong ng edukasyon, hindi security concerns.

“Hindi lang namin kukwenstyunin. Mag-attempt kaming i-amend. Siguro ilipat natin sa program or activity na directly related to education,” ani Pimentel, at sinabing ito ang unang pagkakataon na humirit ang DepEd ng confidential funds.

Sinabi niya na ang DepEd, sa pamumuno ni Vice President Sara Duterte, ay pwedeng makuha ang P150 million subalit ” it should be used to support basic education programs.”

“If you want to retain the funds within the agency, then it should be transferred to programs directly related to basic education,” giit niya.

Inihayag ni Pimentel na tutukuyin ng minority bloc kung ire-realign ang nasabing pondo sa transfer o ililipat ito sa ibang ahensya na nangangailangan ng karagdagang pondo.

Bukod sa confidential funds sa DepEd, nais din ni Pimentel na alisin ang P500-million confidential fund sa proposed budget ng OVP para sa 2023, dahil umano sa kinakailangang fiscal space para sa social at health programs ng pamahalaan.

Kabilang sa mga programang nangangailangan ng karagdagang pondo ang anti-corruption campaign ng Office of the Ombudsman, base kay Pimentel.

“Generally speaking, we discourage the allocation for CIFs, primarily because these are lump-sum funds and, secondly, the auditing is very minimal,” paliwanag ni Pimentel dahil ito umano ay “prone to abuse and discretion.”

“Sa Medium-Term Fiscal Framework ng Marcos administration, sinabi nila ang goal nila ay ‘growth inducing expenditures.’ Is that a growth inducing expenditure? Let’s be consistent with our public posturing,” sabi pa ni Pimentel.

Sinabi ni Duterte nitong Huwebes na ang Senado na ang bahala kung igagawad ang P500-million confidential funds na hiniling ng OVP para sa 2023. RNT/SA