REAP para sa walang kayod, isinulong ni Bong Go

REAP para sa walang kayod, isinulong ni Bong Go

July 17, 2022 @ 3:03 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Habang nagsisikap ang gobyerno na maibangon ang ekonomiya, inihain ni Senator Christopher “Bong” Go ang isang panukalang batas na layong mabigyan ng pansamantalang kayod ang mga kababayan nating walang trabaho, lalo sa kanayunan.

Isa sa mga priority measure na inihain ni Senator Go sa 19th Congress ang Senate Bill No. 420 na target magbigay ng pansamantalang trabaho ang mga kwalipikadong miyembro ng mahihirap na sambahayan sa kanayunan na handang gumawa ng “unskilled manual work” sa loob ng takdang panahon.

Sa ilalim ng kanyang panukala, magkakaroon ng Rural Employment Assistance Program (REAP) sa ilalim ng Department of Labor and Employment na siyang magkakaloob ng pansamantalang trabaho sa mga disadvantaged, displaced o seasonal workers na handang magtrabaho nang hindi bababa sa sampung araw, ngunit hindi hihigit sa 90 araw sa isang taon ng kalendaryo.

Ang Local Social Welfare and Development Officers, sa koordinasyon sa DOLE at Department of Social Welfare and Development, ay magsasagawa ng assessment at survey sa lahat ng mahihirap, disadvantaged o displaced individual na may interes sa trabaho sa ilalim ng REAP.

Isasaalang-alang sa pagtatasa ang kaalaman, kasanayan, kapasidad at kakayahan ng mga potensyal na kalahok upang maayos na matukoy ang uri at katangian ng mga proyekto na pinakaangkop sa kanila at sa kani-kanilang komunidad.

Dapat ding pangasiwaan ng DOLE ang mga pangunahing kaalaman at kasanayan sa oryentasyon, kabilang ang briefing sa pinakamababang pamantayan sa kalusugan ng publiko at protocols kaugnay ng pandemya ng COVID-19, at mga pagsasanay at seminar sa pagpapalaki ng kapasidad na kinakailangan sa pagbuo ng proyekto.

Ang mga yunit ng lokal na pamahalaan at mga katuwang sa programa ay maaaring maghanda para sa paggamit ng anumang kasangkapan sa pagbuo ng proyekto sa mga kwalipikadong indibidwal.

Sa kasagsagan ng pandemya, pinangunahan ni Go ang paghimok sa sangay ng ehekutibo na maglunsad ng iba’t ibang programa upang makatulong sa pag-iwas sa mga sosyo-ekonomikong epekto ng patuloy na krisis sa kalusugan.

Kabilang dito ang serye ng Social Amelioration Program at Supplemental Amelioration Program para sa poorest of the poor, at ang Small Wage Subsidy Program para sa mga displaced worker ng micro, small and medium enterprises, at iba pa.

Ang senador din ang pangunahing proponent ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program (BP2) na isang pangmatagalang plano ng gobyerno para i-decongest ang urban areas, palakasin ang pag-unlad sa kanayunan, at pagandahin ang kalidad ng buhay sa lahat ng rehiyon.

Kaya naman hinikayat ng senador ang bagong administrasyon na ipagpatuloy ang Balik Probinsya, Bagong Pag-asa program at lalo pang pagandahin para sa mahihirap.

Sa pagpasok ni Go sa ikalawang kalahati ng kanyang termino bilang senador, nangako siya na ipagpapatuloy ang pagsusulong ng mas maraming people-centered at service-oriented na batas.

Tiniyak din niya ang walang tigil na paghahatid ng serbisyo publiko sa mga taong higit na nangangailangan ng atensyon ng gobyerno. RNT