Rebeldeng sumuko pinagbabaril sa Cagayan

Rebeldeng sumuko pinagbabaril sa Cagayan

October 29, 2020 @ 1:01 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Cagayan – Isang dating rebelde ng mga makakaliwang grupo ang nagbalik-loob sa pamahalaan ang walang awang pinagbabaril ng mga hinihinalang mga New People’s Army (NPA) hanggang sa mamatay sa bayan ng Gonzaga ng nasabing probinsya.

Kinilala ni P/Major Lorvin Layugan, hepe ng Gonzaga Police Station ang biktima na si Freddie Pahicniyon, nasa hustong gulang isang katutubong Ifugao at residente ng Barangay Isca, Gonzaga, Cagayan, isang dating kasapi ng makakaliwang kilusan.

Ayon kay P/Major Layugan, pormal niyang nakausap ang bayaw ng biktima at sa pahayag nito dakong alas-10:45 ng umaga ng October 28, 2020, nasa sampung kalalakihan na pawang mga nakasuot ng camouflage at armado ng mga baril ang umano’y kumatok sa tahanan ng biktima at ng pagbuksan ng kanyang bayaw ay pinagbabaril ito ng siyang ikinasawi nito kaagad.

At bukod pa umano sa sampung kalalakihan na bumaril sa biktima ay may mga kasama pa ang mga ito na nasa sa kalsada na mahigit sa dalawampung mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga miyembro ng mga rebeldeng NPA na maaaring dating mga kasamahan ng biktima.

Ayon naman sa bayaw ng biktima, na hindi pa umano nasiyahan ang mga armadong grupo ay kinuha pa ang ilang gamit tulad ng cellphone at habang papaalis ang mga suspek ay nagpaputok pa sila ng kanilang mga baril.

Sinabi pa ni Layugan na batay sa nakuhang ID sa biktima, siya ay 14th Battalion Commander ng Cordillera People’s Liberation Army o CPLA na mga dating rebelde sa Cordillera. Jun C. Fuentes


  •  
  •  
  •  

Loading...