Rebisyon ng K to 12 curriculum, inalmahan ng ACT

Rebisyon ng K to 12 curriculum, inalmahan ng ACT

January 31, 2023 @ 12:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) nitong Martes ang pagkabahala tungkol sa plano ng Department of Education (DepEd) na rebisahin ang K to 12 curriculum, na tinawag itong “delayed” at “misguided”.

Sinabi ni ACT chairman Vladimer Quetua na ang assessment ng DepEd sa pagsusuri ng K to 12 curriculum ay dapat 2018 pa ipinalabas o limang taon matapos ang pagkakatatag ng K to 12 program noong 2013 sa pamamagitan ng Enhanced Basic Education Act.

Sa kanyang presentasyon ng Basic Education Report 2023 nitong Lunes, sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na rerebisahin ang K to 12 curriculum para makapag-produce ng mas “competent, job-ready, active, and responsible” graduates.

“Ang nakakatakot dito ay kapag binago ang K to 12, madaming mawawala. Kaya ang termino namin dito, delayed and misguided. Dapat ang K to 12 ay dapat sa pangangailangan ng Pilipino,” ani Quetua.

“Imagine, tatanggalin ang MAPEH, tatanggalin ‘yung Mother Tongue subject kung saan malaking ang apekto nito sa holistiko ng aming mga kabataan. Halimbawa, sa values formation kung sa MAPEH ‘yan, tapos ‘yung socialization o pakikihalubilo kung sa Mother Tongue subject ‘yan,” dagdag niya

Nangangahulugan ang MAPEH ng Music, Arts, Physical Education and Health.

Nang kunan ng komento ay sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa na hindi na siya magsasalita tungkol dito. RNT/SA