Recruiter ng terror group patay sa engkuwentro

Recruiter ng terror group patay sa engkuwentro

November 28, 2021 @ 12:53 PM 2 months ago


POLOMOLOK, COTABATO- Patay ang isang recruiter at spotter ng Dawlah Islamiyah terror group habang nakatakas ang mga kasama matapos umanong manlaban sa awtoridad sa pagsilbi ng warrant of arrest sa mga suspek, iniulat kaninang umaga sa bayang ito.

Kinilala ang nasawi na si Esmael Sambial, nagsisilbi bilang spotter ng Ali Boy Nilong terror group at recruiter sa Brgy. Basag,  T’boli at iba pang barangay sa Polomolok.

Batay sa report ng Polomolok South Cotabato-PNP, naganap ang engkuwentro sa Sitio Bio, Brgy Lapu T’Boli.

Ayon sa pulisya,  magsisilbi sana ang operatiba ng warrant of arrest laban kina Sambial at lider nitong si Zadee Nilong alyas Ali Boy Nilong , sa Rancho Buenaventura sa Brgy. Aflek, T’boli.

Subalit mabilis na nakatunog ang mga suspek sa presensya ng mga pulis kaya mabilis silang tumakas kasama ang 15 armadong  kalalakihan.

Nauwi sa habulan ang operasyon hanggang sa pinaputukan ng mga suspek ang mga pulis .

Gumanti naman ng putok ang operatiba ang tinamaan si Sambial na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang nakatakas naman ang kanyang mga kasama.

Nakuha naman sa lugar ng pinangyarihan ng engkuwentro ang kalibre .38, mga bala, pin ng granada, isang pakete ng pinaniniwalaang shabu,  mga drug paraphernalia, mga ID at personal na kagamitan.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang manhunt operation ng mga awtoridad laban sa mga nakatakas na suspek. Mary Anne Sapico