Recruitment agencies sanib-pwersa para sa nagkakaisang boses at aksyon

Recruitment agencies sanib-pwersa para sa nagkakaisang boses at aksyon

October 28, 2022 @ 11:23 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kapit-bisig ang mga may-ari, manager at welfare officer ng ibat-ibang recruitment agencies sa layuning lalong mapatibay ang boses ng industriya para sa kalagayan at kapakanan ng mga kababayang nasa ibayong dagat.

Ayon kay Atty. David Castillon, founder/chairman ng Special Alliance of Welfare Officer, Advocate, Recruiters and Migrant Workers (SWARM), mahalaga ang magiging papel ng SWARM bilang nasa panig ng pribadong sektor sa pagpapadali ng komunikasyon sa mga overseas Filipino workers sakaling magkaroon sila ng problema mula sa kanilang employers , dahil sila naman ang nagpapaalis.

Sinabi pa ni Atty. Castillon na mas mabuting sa hanay pa lamang ng recruitment agencies at welfare officers ay maaayos na ang problema.

Ang mga OFW o migrant Filipinos ay awtomatikong magiging miyembro ng SWARM nang libre, magkakaroon ng ID, maging ang kanilang pamilya ay makikinabang at makatatanggap ng benepisyo.

“Malaki po ang problema ng recruitment agencies sa ating mga regulating bodies; ang tinitingan po natin dito ay yung sistema, yung hindi naman talaga angkop na sa recruitment industry at pamamalakad ay hindi naman dapat ilalagay sa sistema; tapos makikinig sana sila doon sa industriya kasi kung ikaw ang nag-reregulate, dapat tanungin mo kung ang rules and regulations mo ay angkop ba yan sa industriya; ang gusto lang naman natin ay mapakinggan ang boses ng recruitment agency, ” sabi ni Atty Castillon.

Ang mga halal na bagong opisyales ng SWARM ay binubuo nina Victor Fernandez, President (Career Planners Specialist International, Inc); Abdullah Salam, Vice President; Chinita Reyes (Camox Phil. Inc), Secretary; Josselle Lumales (Al Bayan Agency), Treasurer; Jesica Munoz, Auditor; at Carlah Doran ( Jobs Manpower Corp.), Secretary General.

May inisyal na higit sa 100 recruitment agencies ang mga kasapi ng SWARM, kasama pa ang welfare officers at Advocates. Dave Baluyot