Recto Bank exploration dapat ituloy ng Pinas

Recto Bank exploration dapat ituloy ng Pinas

January 6, 2023 @ 11:10 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Sang-ayon si retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na dapat ituloy ng Pilipinas ang gas at oil exploration sa Recto Bank.

Inilabas ni Carpio ang pahayag matapos na pag-usapan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping ang negosasyon sa joint oil at gas explorations sa South China Sea sa kanilang bilateral meeting sa Beijing.

“Ayaw nilang mag-explore sa amin kasi sabi nila we will only explore with us in a non-disputed area. Ang ginagawa nila pine-pressure lang tayo para we will give them part of the Reed Bank, we will be forced to agree. Ganyan naman ang bully,” ani Carpio.

Ang Recto Bank, bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, ay pinaniniwalaang naglalaman ng humigit-kumulang 165 milyong bariles ng langis at 3.4 trilyon cubic feet ng natural gas.

Sinabi ni Carpio na maaari itong ituring na isang pinagtatalunang teritoryo, kung saan ang patuloy na pag-encroach ng China sa lugar sa kabila ng 2016 arbitral ruling na iginawad sa Pilipinas na tumutukoy sa bank na nasa ilalim ng EEZ ng bansa.

“We have to follow Malaysia [and] Indonesia, practical sila dumerecho sila, they surveyed, they drilled, kahit tinakot sila, hindi sila nagpatakot kaya natapos nila,” aniya pa.

Samantala, ang grupo ng mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ay nagpahayag ng pagkadismaya sa panata ng China na makahanap ng “kompromiso” na magpapahintulot sa mga mangingisdang Pilipino na mangisda sa West Philippine Sea.

“Ang dapat ‘yung China ang ganyan ang pakiusap sa atin e ‘di ba pero ang nangyari ngayon parang tayo ‘yung nakikiusap sa China,” ai Pamalakaya national chairperson Fernando Hicap. RNT