Recto binabantayan ng MPD sa pekeng vax card

Recto binabantayan ng MPD sa pekeng vax card

July 7, 2021 @ 5:13 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Binabantayan na ng Manila Police District o MPD ang ilang mga lugar kung saan posibleng may gawaan ng pekeng vaccination card ng COVID-19.

Ang pahayag ni Police Lt. Col. John Guiagui, pinuno ng MPD station 3, ay kasunod ng babala sa mga indibidwal na mangangahas na gumawa at gumamit ng mga pekeng vax card.

Isa sa mga kilalang gawaan ng ibat-ibang pekeng dokumento at identification card ang Recto Avenue na ilang beses na ring na raid.

Bagamat wala pa naman umanong nahuhuli pero siniguro ng awtoridad na patuloy  ang kanilang pagbabantay.

Ayon pa kay Guiagui, mahigpit ang bilin ang pamunuan ng MPD at ng lokal na pamahalaan ng Maynila na habulin at papanagutin ang mga nasa likod ng pagawa at paggamit ng mga pekeng dokumento at kahalintulad, lalo na ang vaccination cards.

Nauna nang hinimok ng Department of Health (DOH) ang mga lokal na pamahalaan na tiyakin na mag-iisyu sila ng mga lehitimo o may magandang kalidad na vaccination card upang iwas-pamemeke o pananamantala.

Nagbabala na rin ang Malakanyang na kakasuhan ang  sinumang mahuhuling namemeke ng vaccination cards. Jocelyn Tabangcura-Domenden