Red-tagging kay Bishop Alminaza, kinontra

Red-tagging kay Bishop Alminaza, kinontra

March 3, 2023 @ 7:17 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Kinontra ng Missionary Disciples of Jesus (MDJ) ang ginawang red-tagging kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza ng isang programa ng SMNI noong Pebrero 22, 2023.

Ayon kay Rev. Fr. Wilfredo T. Dulay, mdj – coordinator general ng Missionary Disciples of Jesus, mali at walang katotohanang alegasyon ng pagkakaugnay at pagsusulong sa ideyolohiya ng komunistang grupo sa bansa laban kay Bishop Alminaza.

Ayon kay Fr. Dulay, hindi katanggap-tanggap ang ginawang red-tagging at pagkakalat ng mga maling impormasyon laban sa Obispo na may dalisay na intensyon at pagnanais na isulong ang kaayusan at kapayapaan sa bansa.

Ipinaliwanag ng Pari na hindi biro ang banta at kapahamakan na maaaring idulot sa nagaganap na red-tagging sa laban sa mga human rights and peace advocates na tagapagsulong ng kapayapaan, karapatan at katahimikan sa bansa.

Inihayag ng organisasyon na nakapanghihinayang ang patuloy na pagpapalaganap ng kasinungalingan at red-tagging sa pamamagitan ng himpilan ng SMNI na sumasalamin sa kawalan ng kredibilidad ng istasyon at isang halimbawa ng maling paggamit ng pambihirang kapangyarihan ng media.

Partikular na pinuna at iniugnay ng mga host ng isang programa ng SMNI si Bishop Alminaza sa mga komunistang grupo dahil sa kanyang inilabas na Lenten Statement bilang Convenor ng Pilgrims for Peace kung saan binigyang-diin nito ang pagpapalaya sa political prisoners at pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng National Democratic Front of the Philippines. Jocelyn Tabangcura-Domenden