Red-tagging ng KWF chair, Pinoy authors kinondena ng UP dep’t, Makabayan bloc

Red-tagging ng KWF chair, Pinoy authors kinondena ng UP dep’t, Makabayan bloc

August 13, 2022 @ 11:15 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Kinondena ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ng University of the Philippines at ng Makabayan lawmakers ang red-tagging ng mga manunulat na Pilipino at language advocates at ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) chairperson.

Iginiit ng UP DFPP nitong Biyernes na bahagi ng mandato ng KWF maging ng Filipino authors at language advocates na magbahagi ng kaalaman sa paggamit ng local language – kung saan ang broadcast company SMNI at ang Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) ay walang karapatang i-”censure”.

“Bahagi ng mandato ng KWF ang pagsulong ng wika at panitikang Filipino. Ang paglilimbag nito ng mga bagong aklat ay bahagi ng intelektwalisasyon at pagpapalaganap ng wikang pambansa,” pahayag ng UP department sa social media accounts nito.

“Walang karapatan ang SMNI at NTF-Elcac na isensura ang mga aklat kahit ano pa ang pinapaksa nila. Bahagi ito ng kalayaan sa malayang pamamahayag at pag-iisip na pinoprotektahan ng Saligang Batas ng 1987 ng bansa,” dagdag nito.

Kinondena rin ng UP DFPP ang red-tagging na naganap sa buwan ng Agosto na “Buwan ng Wikang Pambansa”.

Itinanggi naman ni KWF chair Arthur Casanova na pinayagan niyang patuloy na ilathala ang mga aklat na naglalaman ng subersibong ideolohiya.

“Lubos na nakagagalit ang patuloy na paninikil ng mga nasa poder ng kapangyarihan sa mga akademiko at manunulat ng bayan. Sa kabila ng kaliwa’t kanang krisis sa ekonomiya at kalusugan sa bansa, ito pa ang binibigyang-panahon ng mga nasa puwesto. Sabihin pa, ginawa ang atakeng ito ngayong Buwan ng Wika,” aniya.

“Simula pa lamang noong itinatag ang DFPP noong 1966, isinusulong na nito ang makabayan, malaya at kritikal na pag-iisip sa pamamagitan ng mga pananaliksik at malikhaing akda sa Filipino. Hindi ito matitinag sa pagsisiwalat ng katotohan ng lipunan sa pamamagitan ng wika at panitikan,” dagdag pa nito.

Ayon kay Casanova, lahat ng mga aklat ay lahat ng mga aklat na natukoy na “subversive” ng Komisyon ay sumailalim sa pagsusuri sa review process. Inihayag din niya na ang mga komento sa SMNI program ay pagmamalabis sa hangganan free speech.

Naiulat nitong Huwebes na natukoy ng KWF ang limang aklat na subersibo sa umano’y pagsusulong ng anti-government ideologies dahil naglalaman ang mga ito ng “political, subversive and creative literary works with subliminal ideologies that encourage to fight the government.”

Inilabas ang direktiba nina KWF commissioners Carmelita Abdurahman at Benjamin Mendillo, na nag-uutos sa Sentro ng Wika at Kultura (SWK) na itigil ang paglathala sa mga nasabing aklat.

Nakibahagi rin ang mga mambabatas mula sa Makabayan bloc sa pagkondena sa KWF order, at sinabing nagsimula nang makapasok ang Anti-Terror Law at ang anti-insurgency task force ng pamahalaan sa akademiko.

“Nakakadismaya at nakakagalit ang mga ganitong kinikilos ng [KWF] at iba pang mga ahensya. Ito ang panghihimasok ng Anti-Terror Law at NTF- Elcac sa mga eskwelahan, akademya, at kultura gamit ang disimpormasyon at fake news na ang mga akdang nagsasabi ng totoo at nagtuturo ng malaya at kritikal na kaisipan ay ‘terorismo’ at ‘kalaban ng estado’,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

“Ganito rin ang ginawa laban sa Adarna House at paaralan ng mga Lumad gaya ng Salugpungan schools. Ano ang susunod?  Malawakan pang book-burning, pambubusal sa mga guro ng political philosophy at economy, pananakot sa mga manunulat?” tanong niya.

Iginiit naman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na hindi dapat matakot sa mga ganitong aksyon.

“Hindi dapat tayo magpadaig sa takot at magpagamit sa mga nasa kapangyarihan na nais tatakan bilang teroristang gawain ang pagbabasa lamang tungkol sa Martial Law at sa kasaysayan ng pakikibaka,” aniya.

“We must exercise and defend academic freedom in schools and libraries to promote Filipino history, language and literature,” dagdag ni Manuel. RNT/SA