Red tide alert itinaas sa 8 lugar

Red tide alert itinaas sa 8 lugar

January 18, 2023 @ 3:49 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pagkain ng shellfish at alamang mula sa walong lugar sa bansa na nakitaan ng nakalalasong red tide.

Sa BFAR bulletin na may petsang Enero 16, sinabi dito na ang mga apektadong lugar ay ang coastal waters ng Milagros sa Masbate; Panay, President Roxas at Pilar sa Capiz; Dauis at Tagbilaran sa Bohol; Dumanquilla Bay sa Zamboanga del Sur; at Lianga Bay, Surigao del Sur.

Ayon sa BFAR, ang red tide ay ang pangyayari kung saan nagkukulay ang tubig-dagat dahil sa mataas na konsentrasyon ng algae na nakalalason kung makakain higit sa regulatory limit.

“Hindi ligtas kainin ang mga shellfiish na nabanggit sa mga lugar dahil ito’y nakalalason,” sinabi ni Nazario Briguera, BFAR Information and Fisherfolk Coordination Unit chief, sa Laging Handa briefing nitong Miyerkules, Enero 18.

Samantala, ligtas namang kainin ang mga isda tulad ng galunggong, pusit at alimango basta’t ito ay malilinis na mabuti.

Idineklara naman na ligtas na sa toxic red tide ang Irong-irong at San Pedro Bay sa Samar. RNT/JGC