‘Red Wednesday campaign’ isasagawa sa Nob. 23

‘Red Wednesday campaign’ isasagawa sa Nob. 23

November 18, 2022 @ 2:35 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinimok ng isang Obispo ang mga mananampalataya na makiisa sa “Red Wednesday campaign” sa Nobyembre, 23 2022.

Pangungunahan ni Antipolo Bishop Francisco De Leon ang banal na Eukaristiya sa paggunita ng Red Wednesday campaign ganap na ala-6 ng gabi sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral na susundan ng pagpapailaw ng kulay pula sa simbahan.

Tema ng Red Wednesday campaign ngayong taon ang “Blessed are the Persecuted” upang palakasin ang kampanya sa pananalangin at pagbibigay pugay sa mga Kristiyanong inuusig sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Bukod sa Antipolo Cathedral ay maaari ring makibahagi sa kampanya ang mamamayan sa pamamagitan ng pananalangin at pagdalo sa banal na misa sa kani-kanilang mga parokya.

Ayon sa Obispo, ang pagpapailaw ng kulay pula sa mga gusali at simbahan tuwing Red Wednesday ay simbolo ng sama-samang pananalangin, pagbibigay pugay at pag-alala sa lahat ng mga Kristiyanong inuusig sa buong daigdig.

Iginiit ng Obispo na mahalaga ang pag-alala at pananalangin lalo sa bansang patuloy ang karahasan at pag-uusig dahil sa paniniwala at pananampalataya.

Tinukoy din ni Bishop de Leon na laganap din ang pagsira, paglapastangan at pagwasak hindi lamang sa imahen ng mga santo kundi sa mismong mga simbahan na bahay dalanginan.

“Bilang pagtulong sa ating mga kapatid na Kristiyano ay sama-sama natin silang ipagdarasal sa November 23 – ang Red Wednesday,” panawagan ng Obispo. Jocelyn Tabangcura-Domenden