Refugees sa Ukrain, 1 milyon na

Refugees sa Ukrain, 1 milyon na

March 4, 2022 @ 9:16 AM 4 months ago


UNITED NATIONS – Inihayag ng United Nations na umabot na isang milyon ang refugees sa Ukraine sa harap ng walang katapusang pambobomba, pagpapakawala ng missile at paglusob ng mga sundalong Ruso sa iba’t ibang lungsod at bayan ng Ukraine.

Kilo-kilometro at umaabot na ng kung ilang oras ang mga pila sa hangganan ng Ukraine at Poland, Romania at iba pa at sa mga nakapasok na sa mga nasabing bansa, may mga dinala na sa ibang mga bansa na kasapi ng European Union.

Samantala, bumagsak na sa kamay ng mga Ruso ang lungsod ng Kherson habang mabangis na nilulusob at binobomba at mini-missile ang mga lungsod ng Mariupol, Kharkiv, Kyiv at iba pa.

Hindi na lamang mga gusaling pampamahalaan, paliparan at pag-aari ng pamahalaan Ukraine ang nasisira kundi maging ang mga tahanan, simbahan at iba pang pribadong istruktura, kasama na ang elektrisidad, imbakan ng tubig at iba pa..

Takot na madamay at mamatay ang pangunahing dahilan ng mga pagbabakwit, lalo na ang mga babae, bata at matatanda dahil pinigilan ng pamahalaan Ukraine ang mga 18 hanggang 60 anyos para maging bahagi ng armadong pwersa nito. RNT