Refund sa Meralco consumers gugulong ngayong Hulyo –  ERC

Refund sa Meralco consumers gugulong ngayong Hulyo –  ERC

July 8, 2022 @ 9:30 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hindi mararamdaman ng mga konsyumer ang pagtaas sa singil sa kuryente ngayong Hulyo dahil sa refund na iniatas ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Meralco na ibigay.

Ang halaga ng refund ay halos P21.8 bilyon saklaw ang distribution-related charges na binayaran ng Meralco customers mula Hulyo 2015 hanggang Hunyo 2022.

Inaasahang makatatanggap ang Meralco customers na kumokonsumo ng halos 200 kilowatt hour kada buwan ng halos P174 refund o P0.87 per kwh.

Inilahad ng  ERC na ipatutupad ang refund sa susunod na billing cycle matapos matanggap ng Meralco ang receipt ng desisyon.

“Ang ERC pagnagcocompute ng rates yun eh projected, assumptions mga estimates lang ang pinagbabatayan. After a certain period ang ERC babalikan niya ang kanyang projection, pag nakita nila yan kadalasan nagkakaroon ng diperensya, hindi naman talaga overcharging,” ayon kay ERC chairperson Agnes Devanadera.

Tantya ng Meralco, aabutin ng 12 buwan ang refund.

“Pipilitin natin mapatupad yan ngayong buwan kasi sa estimate namin tatagal ng 12 months itong refund na ito,” ani Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga.

“The P0.87/kWh will effectively wipe out whatever increase that may be forthcoming,” dagdag niya. RNT/SA