Regional director ng WHO, sinibak sa pwesto

Regional director ng WHO, sinibak sa pwesto

March 9, 2023 @ 3:39 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinibak sa pwesto ng World Health Organization (WHO) ang regional director nito sa Western Pacific office sa Manila sa alegasyon ng misconduct.

Sa pahayag nitong March 8, sinabi ng WHO na saklaw ng akusasyon ang huling anim na buwan ng 2021 at 2022. Hindi direktang pinangalanan ni Dr. Takeshi Kasai, na tinukoy lamang sa kanyang titulo.

“In line with the Organization’s policy of zero tolerance for abusive conduct, the allegations were investigated and subsequently reviewed in accordance with the normal procedures applicable to all WHO staff members,” anang WHO.

“These procedures resulted in findings of misconduct,” dagdag nito.

Hindi na nagbigay ng detalye ang WHO sa mga akusasyon laban kay Kasai, subalit iniulat ng Associated Press (AP) noong nakaraang taon na maraming staffers ang inakusahan siya ng “racist, unethical and abusive behavior,” na nagdulot ng “toxic atmosphere” at “culture of systemic bullying and public ridiculing.”

Sa parehong artikulo, iniulat ng AP na itinanggi ni Kasai ang mga alegasyon.

Bilang pagsunod sa due process, inihayag ng WHO na binigayan si Kasai ng kopya ng lahat ng ebidensya at binigyan ng pagkakataon na tumugon sa mga alegasyon.

Pinawalang-bisa ang kanyang kontrata matapos ang findings at konsultasyon sa regional committee for the Western Pacific at sa executive board, base sa organisasyon.

Magsisimula ang election cycle para sa hahalili kay Kasai sa Abril, kapag inimbitahan ang member states ng rehiyon para magsumite ng proposed candidates.

Nagsimula ang termino ni Kasai, isang Japanese doctor, bilang regional director noong February 2019.

Bago italaga sa nasabing pwesto, dati siyang director of programme management, pangalawang pinakamataaas na posisyon sa WHO Western Pacific office.

Nagsilbi rin si Kasai na WHO representative sa Vietnam mula 2012 hanggang 2014. RNT/SA