Regional, provincial office ng Comelec pinagsusumite ng ulat sa mga kandidatong pasaway

Regional, provincial office ng Comelec pinagsusumite ng ulat sa mga kandidatong pasaway

March 28, 2022 @ 11:36 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Inatasan ng Commission on Elections ang regional at provincial offices nito na magsumite ng report na may kinalaman sa mga paglabag na ginawa ng mga tumatakbo ngayong eleksyon kabilang na dito ang hindi pagsunod sa minimum public health standards.

Sa Laging Handa briefing, tinuran ni COMELEC Commissioner George Erwin Garcia na ipinag-utos na nito sa mga regional at provincial offices na mangalap ng ulat tungkol dito at mula duon ay matukoy ang mga kandidatong may ginawang paglabag.

Aniya, saklaw ng pagsilip sa mga paglabag ang prior to campaign period o sa mga panahong hindi pa dapat umarangkada ang pangangampanya.

Sinabi pa ni Garcia na may binigay silang requirements sa kanilang regional at provincial offices na noon pa man ay magsumite na ng affidavit of compliance.

Mula aniya sa isusumiteng affidavit of compliance ay malalaman kung ilan at ano-anong mga violation ang nagawa ng mga tumatakbo at mga partido pulitikal.

Samantala, nakatakda naman nilang sulatan ang mga nakagawa ng paglabag at hihingan ng paliwanag sa gitna na rin ng posibilidad na maharap sa kasong diskwalipikasyon. Kris Jose