‘Register Anywhere’ paiigtingin ng Comelec

‘Register Anywhere’ paiigtingin ng Comelec

December 19, 2022 @ 6:24 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inamin ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes ang pangangailangang paigtingin ang kanilang information campaign kaugnay ng pagdaraos ng Register Anywhere Project (RAP) para hikayatin ang publiko na magpatala sa ilang mga kalahok na mall sa mga pangunahing lugar sa buong bansa.

“Kailangan pa namin paigtingin ang info drive,” sabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia sa mga mamahayag.

Ito ay kasunod ng mababang turnout ng registrants sa RAP hubs sa Metro Manila, Tacloban City sa Leyte province at Legazpi City sa Albay nitong weekend.

Ang datos na inilabas ng poll body ay nagpakita na may kabuuang 611 aplikante ang nakapagparehistro sa RAP booths sa loob ng mga shopping establishments.

Ang SM Fairview ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang na may
190 registrants, sinundan ng Robinsons Galleria na may 133, parehong nasa Quezon City; Robinsons Place Manila na may 118, at SM Mall of Asia sa Pasay City na may 75.

Sa kabilang banda, kakaunti ang naitala sa ibang mga venue tulad ng Robinsons Place Naga na may 38, SM Southmall sa Las Pinas na may 27, SM City Legazpi na may 20, at Robinsons Place Tacloban na may 10.

Gaganapin ang pilot test tuwing Sabado at Linggo sa pagitan ng Disyembre 17, 2022 at Enero 22, 2023, maliban sa Disyembre, 24, 25, at 31, 2022, at Enero 1, 2023. Jocelyn Tabangcura-Domenden