‘Register anywhere’ program ng Comelec niluluto na

‘Register anywhere’ program ng Comelec niluluto na

October 7, 2022 @ 7:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Plano na ring isama ng Commission on Elections (Comelec) sa programang “Register Anywhere” ang pagtanggap ng aplikasyon sa pagpapalipat ng rehistro at reactivation ng mga botante.

“Plano po natin na isama na rin po yan, lahat po ng mga aspeto ng registration ay isasama na po natin. Hindi lang po dapat na register anywhere, kung hindi yung transfer of registration anywhere, reactivation of registration anywhere,” sabi ni Comelec Chairman George Garcia.

Paliwanag ng Comelec, nais nilang gawing madali ang pagpaparehistro para sa lahat ng mga Pilipino sa ilalim ng “Register Anywhere” scheme, lalo na at nagsisiksikan ang publiko sa kanilang mga tanggapan partikular na kapag palapit na ang registration deadline.

“Kung nasaan po kayo located, kahit hindi kayo doon nakatira pero nandoon kayo sa pagkakataong yan sa area na yan, tapos may registration, pwede na po kayong magparehistro doon,” dagdag ni Garcia.

Naniniwala si Garcia na walang legal na hadlang sa paglulunsad ng nasabing programa, dahil sa magkakaibang interpretasyon ng RA 8189 o ang Continuing Registration Law.

Ayon pa kay Garcia, daraan pa rin sa election registration board hearing ang pag-apruba sa mga nagparehistro sa ilalim ng “Register Anywhere” scheme kung saan may pagkakataon ang sinuman na tutulan ang pagpaparehistro ng isang aplikante. Jocelyn Tabangcura-Domenden