‘Register Anywhere’ sites dinagdagan – Comelec

‘Register Anywhere’ sites dinagdagan – Comelec

December 11, 2022 @ 9:31 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nadagdagan pa ang mga venue para sa pilot testing ng Register Anywhere Project (RAP), ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Ang mga karagdagang venue ay inilagay sa Robinson’s Mall Tacloban, Barangay Baras Baras, Tacloban City; SM City Legazpi, Imelda Roces Avenue, Zone 9, Barangay 37 Bitano, Legazpi City, Albay; at sa Robinson’s Mall Naga, Naga City, Camarines Sur.

Nauna nang inanunsyo ng Comelec na ang pilot testing ng RAP ay gagawin sa limang piling malls sa National Capital Region kabilang ang SM Mall of Asia sa Pasay City, SM Fairview sa Quezon City, SM Southmall sa Las Piñas City, Robinson’s Place Manila, at Robinson’s Galleria sa Quezon City sa Disyembre 17.

Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na ang RAP ay gagawin tuwing Sabado at Linggo mula Disyembre 17 hanggang Enero 22, 2023.

Wala namang magaganap na registration sa Disyembre 24, 25, 31, 2022 at Enero 1, 2023.

Isasagawa rin ang RAP sa mga government sites tulad ng Senate of the Philippines sa Pasay City sa Enero 25,2023; House of Representatives sa Quezon City; at Government Service Insurance System (GSIS) Main Office sa Pasay City ngunit wala pang petsa.

Ang mga aplikante ay dapat magsumite ng kanilang application form, documentary requirements, at kumuha ng kanilang biometrics on-site, sabi ni Laudiangco. Jocelyn Tabangcura-Domenden