Registration schedule para sa barangay, SK elections inilabas ng Comelec

Registration schedule para sa barangay, SK elections inilabas ng Comelec

July 13, 2022 @ 9:30 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Inilabas na ng Commission on Elections (Comelec) sa publiko ang kumpletong schedule ng nagpapatuloy na voter registration para Barangay at Sangguniang Kabataan elections na aarangkada sa Disyembre 5, 2022.

Sa memorandum na nilagdaan ni Atty. Divina Blas-Perez, Director IV ng Election and Barangay Affairs Department ng Comelec, ipinag-utos nito sa Information and Technology Departement ng komisyon na i-post sa Comelec website ang kabuuang schedule ng isinasagawang voter registration. 

Ayon kay Atty. Blas-Perez, idedetalye dito ang eksaktong lugar at petsa ng voter registration.

“For public information kung nasaang venue, example mall ang conduct ng registration ng specified areas. Para sa stated dates/schedule/venue dun pupunta ang mga applicants-voters hindi sa Office of the Election Officer,” ayon kay Blas-Perez.

Aniya pa, madalas kasing isinasagawa ang registration sa Office of the Election officer kaya kung lalabas dito o ililipat ang venue ng registration ay dapat na ipaalam din agad sa publiko para iwas abala. 

Magkakaroon umano ng abiso sa mga opisina ng bawat election officer para sa kaalaman ng mga botante. 

Sinabi naman ni Comelec acting apokesman Atty. John Rex Laudiangco na sa mga susunod na araw ay maaari nang ma-access ng publiko sa Comelec website ang kumpletong schedule na ito ng registration. 

“These are the schedules of the off site and satellite registrations po for the information of the public. The same schedules will be posted at the website for ready reference as to where the applicants may proceed at any given day,” pahayag ni Laudiangco.

Nilinaw din niya na sa kasalukuyan, mananatili pa rin sa orihinal na schedule ang voter registration para sa barangay at SK elections na nagsimula noong Hulyo 4 at magtatapos sa Hulyo 23, 2022. 

Layon lamang aniya ng pagkakaroon ng mga satellite registration na ilapit pa sa publiko ang pagpaparehistro at gawin itong mas madali para sa mga botante. 

“Yes. Same schedule, as registration remains to be July 4-23. But please note the places/venues po. These are what we have been saying po that we will be bringing the registration closer to the public at venues more convenient and safer,” patuloy pa ni Laudiangco.

Kabilang sa mga magsisilbing lugar para sa satellite registrations ang ilang mga piling mall, barangay hall, covered court at community center. RNT/SA