Regular fuel subsidies, desisyon sa fare hike petitions inihirit ng transport groups

Regular fuel subsidies, desisyon sa fare hike petitions inihirit ng transport groups

January 30, 2023 @ 11:20 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihirit ng  transport groups ang fuel subsidies mula sa pamahalaan, sa paghihintay nila ng desisyon sa kanilang fare hike petitions sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Samahan ng mga Tsuper at Operators sa Pilipinas Convenor Danilo Yumul, dapat regular na bigyan ng fuel subsidies ang mga driverm, dahil ginagawa umano ito sa ibang programa ng pamahalaan.

“Regular sana. Kung ang 4Ps, senior citizen, TUPAD, buwanan, eh kami ‘pag may mag-i-increase lang. Dapat i-sustain natin para maging consistent regardless kung magkano,” pahayag niya nitong Linggo.

Tinutukoy niya ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), kung saan namamahagi ang government agencies ng subsidiya sa specific sectors.

Ito ay kasunod ng panibagong price hikes sa langis na inaasahan ngayong linggo.

Ilang transport groups ang may gumugulong na petisyon para sa fare increases, isa sa mga ito ang UV Express National Alliance of the Philippines na nagsusulong ng fare hike na P1 per kilometer na isinumite nito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong September 2021.

“Ang UV Express, nag-modernize na kami 2013, 2014. Marami pa nga kaming UV Express na hindi pa po nakakabayad, naka-loan, ito na naman, may modernization, but we have to abide,” ayon sa national president ng grupo na si Exequiel Longares.

Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang Department of Transportation at ang LTFRB ukol sa mga inilatag na isyu ng transport groups. RNT/SA