Regular na mental, physical fitness program sa gobyerno mahalaga – CSC

Regular na mental, physical fitness program sa gobyerno mahalaga – CSC

February 23, 2023 @ 11:43 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – UPANG matiyak na malusog at produktibo ang hanay ng mga lingkod-bayan, binigyan-diin ni Civil Service Commission (CSC) Chairman Karlo Nograles ang pangangailangang magkaroon ng regular at aktibong mental and physical fitness programs sa bawat ahensiya ng pamahalaan.

Sa ilalim ng CSC Resolution No. 1901265 o ang ‘Guidelines on the Development of Mental Health Program (MHP) in the Public Sector’, na ipinalabas noong Oktubre 23, 2019, at ipinatutupad sa pamamagitan ng CSC Memorandum Circular (MC) No. 4, s. 2020, ang lahat ng ahensiya ng gobyerno ay inatasang bumuo at magsagawa ng kani-kanilang Mental Health Program.

Ayon kay Nograles, ito ay upang maitaguyod ang pagkakaroon ng overall mental wellness at makapagbigay ng inclusive, conducive, at supportive work environment para sa pampublikong opisyal at empleyado kung saan ang nasabing resolusyon ay nakabase rin sa itinatakda ng Republic Act No. 11036 o ang Mental Health Act of 2018.

Mula naman sa model MPH na binalangkas ng CSC, kabilang sa mga maaaring maisagawa para sa employees well-being ay ang mga aktibidad tulad ng physical fitness, teambuilding, regular stress management, organized peer counseling, support groups, at interest groups habang kailangan ding mag-organisa ng regular na mental health awareness at education activities sa hanay ng mga kawani ng bawat ahensiya ng gobyerno.

Sinabi pa ng CSC na ang mga empleyado ng gobyerno na natukoy bilang mayroong mental health issues ay dapat na isailalim sa intervention, treatment, referral, at reintegration. Sa kaso naman ng pagkakaroon ng life-threatening situations o traumatic experience, maging ito man ay work o non-work-related, kinakailangan din magkaroon ng “interventions”. Ang lahat ng ahensya ng gobyerno ay kinakailangan ding isama ang kalusugang pangkaisipan sa kanilang mga patakaran at programa sa pagpapaunlad management policies and programs.

“The CSC recognizes the importance of taking care of employees’ physical and mental wellness to effectively fulfill their duties,” ang naging pahayag pa ni Chairperson Nograles sa idinaos na CSC Mindanao Sportsfest, na ginanap sa Tagum City, Davao del Norte kamakailan, na sinalihan ng mga CSC official at employee mula Mindanao region kung saan sina Commissioners Aileen Lourdes Lizada at Ryan Alvin Acosta ay nakiisa rin sa nasabing sports event.

“This sports tournament intends to strengthen camaraderie, sportsmanship, and solidarity; and promote an active and healthy lifestyle among all CSC officials and employees. I am happy that you have this activity to manage your work-related stress through sports,” ayon pa kay Nograles.

Sa mga nakalipas na taon, ang CSC ay bumuo ng mga polisiya at programa na nagsusulong ng physical at mental fitness para sa lahat ng mangagawa ng gobyerno. Noong 1992, ito ay nagpalabas ng MC No. 38 o ang Physical and Mental Fitness Program for Government Personnel. Sa mga sumunod na taon, mayroong karagdagang circulars ang nailathala upang bigyan-diin ang pangangailangang mai-promote ang employee’s wellness. RNT