Regular na neuro test sa kapulisan ipatutupad ni Eleazar

Regular na neuro test sa kapulisan ipatutupad ni Eleazar

June 3, 2021 @ 12:29 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ngayon ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang pagpapatupad ng regular na neuro-psychiatric tests sa ga kapulisan.

Ang hakbang na ito ni Eleazar ay bunsod na rin sa naganap na pamamaril ni PMSG Hensie Zinampan sa kanyang kapitbahay na si Lilybeth Valdez sa Barangay Greater Fairview, Quezon City.

Lumakas ang panawagan na gawing regular ang pagsasailalim ng mga PNP personel sa neuro-psychiatric assessment dahil  na rin sa kaparehong insidente noong nakaraan taon  kay Jonel Nuezca na binaril ang mag ina na sina Sonia at Frank Anthony Gregorio sa Paniqui, Tarlac.

“The PNP will study this recommendation of subjecting our personnel to regular psychiatric assessments or tests. Personally, I acknowledge that there is really a need to prioritize this given the nature of our duty,” saad pa ni Eleazar.

Aminado naman ang Chief PNP na ang healthcare services ay may limitasyon at posibleng hindi kayanin ang regular neuro ng lahat ng kapulisan.

“Dapat nabibigyan din po ng pansin ang trauma risk management ng aming organisasyon. However, I would also have to admit the limitations, at present, in our healthcare capacities and services. Pagaaralan po naming mabuti kung paanong magagawang regular ang neuro-psychiatric tests sa lahat ng ating kapulisan,” dagdag pa ni Eleazar.

Sinabi pa ni Chief PNP na kailangan na ang mga police commanders ay inoobserbahan ang kanilang mga tauhan kung mayroon silang nakikitang  senyales na may emotional imbalance o mental disorder at dapat nila na agad itong i-refer sa  neuro-psychiatric evaluation sa kanilang  health units.

Aniya sa ganitong paraan ay matutulungan natin ang mga ito na gumaling at hindi maging mapanganib sa kanilang sarili at sa ibang tao.

“We will also assess if we could enter into partnerships with mental health institutions so that we can also take good care of the mental health of our personnel. Hindi lamang po pisikal na pangangatawan ang dapat naming pangalagaan para makapagsilbi ng maayos sa publiko, kung hindi pati na rin ang aming mental health,” paliwanag pa ni Eleazar. Jan Sinocruz