Rehabilitasyon ng Boracay Island tinapos na

Rehabilitasyon ng Boracay Island tinapos na

June 22, 2022 @ 7:11 PM 7 days ago


AKLAN – Tinapos na ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang rehabilitasyon at pamamahala ng Boracay Island apat na taon matapos ang malawakang rehabilitasyon ng sikat na tourist destination.

“This culmination means the responsibility will now be with the local government of Malay. Alagaan niyo ito, tulad ng pag-aalaga namin,” saad ni DENR Acting Secretary at BIATF chair Jim Sampulna sa ginanap na culminating activity noong June 16.

“The challenge here is how you can maintain Boracay’s cleanliness and sanitation, including the discipline of the people,” sinabi ni Sampulna sa mga lokal na opisyal na pinangunahan nina Aklan Gov. Florencio Miraflores at Malay Mayor Frolibar Bautista.

Magugunitang ang BIATF, vice-chaired ng Department of Tourism (DOT) at Department of the Interior and Local Government (DILG), ay binuo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 53 noong May 8, 2018.

Nauna rito dapat na nagtapos ang termino nito noong 2020, dalawang taon matapos itong mabuo ngunit pinalawig ito ni Pangulong Duterte hanggang May 8, 2021 sa paglabas ng EO 115 noong May 11, 2020.

Noong Sept. 14, 2021, muling pinalawig ang termino ng BIATF hanggang June 30, 2022, sa pamamagitan ng EO 148 upang mabigyan ito ng sapat na panahon na matapos ang mga proyekto.

Kaugnay nito siniguro ni Sampulna sa mga lokal na opisyal na kahit wala na sa frontline ang BIATF, patuloy silang tutulungan ng task force upang mapanatili ang mga nagawa sa Boracay rehabilitation.

Ayon pa sa Environment chief sinabi din nito na ang DENR, sa pamamagitan ng Environmental Management Bureau (EMB), ay may plano na magtayo ng real-time monitoring system sa kahabaan ng apat na kilometrong white beach ng Boracay upang matiyak na ang kalinisan ng tubig ng isla ay mapananatili. Santi Celario