Manila, Philippines – Ngayong darating na Linggo, Hulyo 22 ang rehearsal day ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa kanyang ikatlong State Of the Nation Address (SONA).
Kinabukasan, Hulyo 23 ang aktuwal na petsa ng Ulat Sa Bayan ng Pangulo sa Batasang Pambansa Complex sa Lungsod ng Quezon.
“Sunday ang rehearsals ng pangulo para sa SONA kinabukasan,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Sinabi naman ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go na sa Malakanyang lang magsasanay ng kanyang SONA speech ang Punong Ehekutibo.
Asahan namang gagabayan ni Direk Binibining Joyce Bernal si Pangulong Duterte.
Kamakalawa ani Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar ay nagkaroon ng run through sa Malakanyang Bb Joyce Bernal bilang direktor ng SONA ng Pangulo kasama ang Technical Working Team
“Nagkaroon sila ng townhall, so doon pinapaliwanag ni Director Joyce kung ano ang gusto niyang mangyari, ano ang gusto niyang ipalabas doon sa State of the Nation Address. Sapagkat—of course ito rin ay isang malaking hamon at opportunity para kay Director Joyce na ipakita naman iyong kanyang talento sa pamamagitan ng kanyang sining,” aniya pa rin.
Ang bawat director aniya ay may kanya-kanyang mata sa isang event kaya’t kung anuman aniya ang naging performance ni Director Brillante Mendoza ay iba naman ang kay Bb. Joyce Bernal.
Kaya, asahan na aniya na ibang atake ang gagawin ni Bb Joyce sa SONA ni Pangulong Duterte.
“Iba ang atake ni Binibining Joyce; iba rin iyong kay Brillante. So tingnan natin. But what I can tell you is that, Director Joyce is very busy, very actually hands on talaga siya dito sa SONA,” ayon kay Sec. Andanar.
Nakita aniya niya na kinakausap ni Bb Joyce Bernal ang lahat kabilang na ang buong production ng RTVM at PTV.
“Talagang kinakausap niya lahat, cameraman, lahat as in—and as a matter of fact meron pa siyang dalang mga gamit,” aniya pa rin. (Remate News Team)