Reklamo sa akin, demolition job lang-Rep Andaya

Reklamo sa akin, demolition job lang-Rep Andaya

October 9, 2018 @ 5:22 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Tinuring lamang ni House Majority Leader Rolando Andaya na isang demolition job ang paghahain sa kanya at sa kanyang asawa na si Marissa Lourdes ng kaso sa Office of the Ombudsman ng Presidential Anti Corruption Commission (PACC) dahil sa hindi pagdedeklara ng ari-arian sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN).

Ayon kay Andaya, malinaw na paninira lamang ito sa kanya at ginagastusan ng mga kalaban niya sa pulitika kaya hindi na ito magtataka na sa mga susunod na araw ay mayroon pang ibang paninira at kasong isampa sa kanya matapos na rin magpahayag ito ng intensyon na tumakbo bilang gobernador ng Camarines Sur.

Aminado si Andaya na masama ang kanyang loob sa naghain ng kaso na si PACC Commissioner Greco Belgica dahil hindi man lamang kinuha ang kanyang panig bago nagsampa ng kaso.

Para kay Andaya, posibleng biktima ng hatchet job si Belgica laban  sa kanya o maaaring parte din ito ng paninira sa kanya, ang apela umano nito sa PACC ay hindi lamang siya ang isailalim sa lifetsyle change kundi ang iba pang pulitika para ipakita nitong patas ang PACC sa lahat.

Sa inihang reklamo sa Ombudsman, sinabi ng grupo ni Belgica na nilabag ni Andaya at asawa nito ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, perjury at falsification nang hindi nito ideklara ang 9 na real properties, mga sasakyan at kanilang business interest na Noy and Ning’s Corporation gayundin ang mga baril na nagkakahalaga ng P4.96M sa kanilang SALN.

Sinabi ni Belgica na wala namang problema kung mayaman si Andaya ngunit ang importante ay ideklara nito sa SALN ng mga ari-arian para makita ng taumbayan kung saan ang pinagkunan ng yaman nito. Gail Mendoza