Rekomendasyon ng pribadong sektor sa food security, naipasa na kay PBBM

Rekomendasyon ng pribadong sektor sa food security, naipasa na kay PBBM

October 22, 2022 @ 9:31 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Private Sector Advisory Council (PSAC), araw ng Biyernes, Oktubre 21 para talakayin ang rekomendasyon na naglalayong itaas ang local food production at suplay ng pagkain sa bansa.

Nakasaad sa kalatas na ipinalabas ng Office of the President (OP) na kabilang dito ang “digital farming methods and strategies” para mapahusay ang supply chain.

Ipinanukala rin sa nasabing pagpupulong ang pagrerebisa ng polisiya at istraktura ng National Food Authority (NFA) upang makayanan ng ahensiya na mag-operate bilang isang logistics hub.

Bukod dito, tinalakay din ni Pangulong Marcos sa PSAC ang kanyang mga plano para sa digital platform Sarai ng Department of Science and Technology (DoST) na naglalayong bigyan ang mga stakeholders ng site-specific crop advisories batay sa datos na nakuha mula sa Diwata microsatellite.

Naniniwala kasi ang Punong Ehekutibo na sa pamamagitan ng programang ito, ang mga magsasaka at mangingisda ay magkakaroon ng real-time access sa farm conditions, kabilang na ang “weather, drought, and flood forecasts” at maging ang pamiminsala ng mga salot.

Sa kabilang dako, ipinag-utos naman ng Pangulo ang pag-arangkada ng muling pagtatanim ng puno ng niyog at pamamahagi ng mga punla para sa mas maayos na paggamit sa lupain.

Layon kasi ni Marcos bilang kasalukuyang Kalihim ng Department of Agriculture na itaas ang food production sa bansa at ibaba naman ang presyo ng mga pagkain.

Nais din niya na ayusin ang tinatawag na value chain upang kagyat na matugunan ang short-term at long-term na problema sa sektor ng agrikultura.

Nauna rito, sinabi ng Chief Executive na iiwan lamang niya ang kanyang posisyon bilang Kalihim ng DA kapag nagawa na ang structural changes sa departamento. Kris Jose