Rekomendasyon sa 118 courtesy resignations ipapasa na sa NAPOLCOM – Azurin

Rekomendasyon sa 118 courtesy resignations ipapasa na sa NAPOLCOM – Azurin

February 27, 2023 @ 1:13 PM 1 month ago


MANILA, Philippines -Ipapasa na ang inisyal na rekomendasyon sa 118 na ipinasang courtesy resignation ng mga senior police officers sa National Police Commission (NAPOLCOM), sinabi ni Philippine National Police chief Police General Rodolfo Azurin Jr. nitong Lunes, Pebrero 27.

Ani Azurin, isinasapinal na ng advisory group na binuo, ang kanilang rekomendasyon sa resignation ng 118 third-level officers na naproseso nila sa pinakahuling meeting noong Biyernes.

“So we are finalizing yung aming recommendation para i-forward sa NAPOLCOM para sa kanilang review at evaluation,” ani Azurin sa isang ambush interview.

Aniya, ang 118 senior police officers ay mga commander, team leader at staff officers ng PNP.

Nang tanungin naman kung konektado ang ilan sa mga ito sa illegal na droga, tumanggi naman si Azurin na sumagot o magbigay ng impormasyon.

Matatandaan na noong Enero 4 ay nanawagan si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa mga senior PNP officials na magpasa ng kani-kanilang courtesy resignation bilang bahagi ng isasagawang cleansing sa ahensya.

Kasunod nito ay binuo naman ang five-man advisory group upang suriin ang mga ipinasang resignation na susuriin din ng
NAPOLCOM.

Pagkatapos nito ay ipapasa naman ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para aprubahan.

Nitong Biyernes, Pebrero 24, sinabi ng PNP na may 118 PNP senior officials na ang naiproseso at may natitira pang 800 resignations na susuriin naman sa mga susunod na linggo.

Ani Azurin, magdaraos ng pagpupulong ang advisory group tuwing Miyerkules at Huwebes.

Target naman ng advisory group na matapos ang review sa loob ng tatlong buwan. RNT/JGC