Rekord ng gobyerno sa wikang Pinoy, isinusulong ni Padilla

Rekord ng gobyerno sa wikang Pinoy, isinusulong ni Padilla

July 19, 2022 @ 11:05 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines-  Inihihirit ni Senador Robinhood Padilla sa pamahalaan na maghanda ng Filipino version ng lahat ng government records kung hihingi ang sinoman sa lahat ng tanggapan ng gobyerno.

“Dapat mag-request. Halimbawa pag nag-request ang tao gusto ko ng Pilipino dapat meron tayo laging nakahanda. Huwag dapat matakot ang kababayan nating mag-request. Kasi siyempre minsan nasanay tayo, masyado tayong Inglisero, masyado tayong Amboy,” giit niya.

Kanyang isusulong din ang paggamit ng regional languages at dialekto sa lahat ng legal documents.

“Ang gusto natin halimbawa may batas na pumasa dapat ang Filipino, English Filipino, tapos sa regional, halimbawa Bisaya, Ilokano. Main lang, hindi lahat. Ang main na ginagamit, halimbawa Bisaya may Waray, Cebuano, Ilonggo,” aniya.

Tinukoy ni Padilla ang Article 7 ng 1987 Constitutiona na nagsasabing English at Filipino ang opisyal na lengguwahe ng bansa na dapat gamitin sa lahat ng uri ng komunikasyon at instruksiyon.

“Sa karanasan ko po, hindi nagagamit ang Filipino, laging English lang. Tulad sa batas natin, kapag lumalabas ang batas natin English. Sa korte pag nasentensyahan ang tao, English ang binabasa. Sa akin unfair yan,” ayon kay Padilla.

Sinabi pa ni Padilla na hindi niya minamaliit ang kapasidad ng Filipino na maintindihan ang salitang English pero dapat parehas ang paggamit sa dalawang lengguwahe.

Naunang naghain si Padilla ng Equal Language Act bilang isa sa 10 priority bills nito sa 19th Congress. Ernie Reyes