Relief goods sa biktima ng bagyo handa na, paglilikas sa biktima buwis buhay

Relief goods sa biktima ng bagyo handa na, paglilikas sa biktima buwis buhay

July 23, 2018 @ 2:30 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi kakapusin ang relief goods na ipamamahagi sa mga residenteng apektado na bahang dulot ng malakas na ulan dahil sa habagat na pinalakas ng bagyong “Josie.”

Ayon kay DSWD acting Sec. Virginia Orogo, sapat ang kanilang suplay at pwede nang ipamahagi anumang oras.

Aniya, maaga nilang na-estimate ang bilang ng mga apektado upang tiyaking hindi kukulangin ang kanilang suplay.

Sa mahigit 20,000 katao pa lamang umanong lumikas sa iba’t ibang evacuation centers sa iba’t ibang lugar sa bansa ay nangangailangan na ng mabilisang suporta.

Aniya, walang tulog ang mga trabahador ng DSWD-Central Office upang masuplayan ang 5,430 pamilya o 23,383 kataong lumikas sa 135 evacuation centers sa Ilocos, Cordillera Administrative, Central Luzon, National Capital, Calabarzon, Mimaropa, at Bicol Regions.

May karagdagan pa umanong 64,594 mga pamilya o 257,958 indibidwal sa Ilocos, Central Luzon, at Western Visayas Region ang lumikas naman sa bahay ng kanikanilang mga kaibigan o kamag-anak.

Sa kabuuan, 203,032 pamilya o 914,338 katao sa pitong rehiyon sa Luzon ang apektado ng bagyo dahil sa habagat.

Sa hiwalay na report, abot P14,904,284 ng tulong naman ang naibigay na sa mga apektadong pamilya.

Sa naturang halaga, P9,017,848.48 dito ay mula sa DSWD habang P5,886,436 naman ang nagmula sa mga lokal na pamahalaan.

Samantala, buwis buhay ang paglilikas sa mga residente sa ilang bahagi ng bayan ng Calasiao dahil sa lampas taong tubig baha.

Umabot sa halos apat na talampakan ang tubig baha kaya halos ang ulo nalamang ng ilang mga pulis ang makikita sa paglikas sa mga residente.

Sa tala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) Calasiao, abot 600 pamilya o katumbas ng 2,500 katao na ang inilikas.

Posibleng madagdagan ito dahil sa patuloy napagbaha.

Umabot na sa 10-talampakan ang taas ng tubig-baha na naitala sa bayan ng Calasiao, Pangasinan kung saan 22 mga barangay ang apektado.

Naitalang siyam hanggang 10-talampakan na taas ng tubig sa barangay ng Longos, Cabaruan, at Casintak, habang sa ibang lugar ay nakapagrehistro naman ng tatlo hanggang pitong talampakan.

Ang bayan ng Calasiao ang isa sa madalas pinakaapektado ng baha tuwing may bagyo.

Sa lungsod ng Dagupan naman patuloy na inoobserbahan sa pagamutan si Barbara Cabrera na residente ng Barangay Malued matapos makuryente sa kasagsagan ng malawakang baha.

Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Council, dadalaw sana ang biktima sa ospital malapit sa pinangyarihan ng insidente subalit ito ay nakuryente ng livewire habang naglalakad.

Sa ngayon, malayo pa sa spilling level na 280-meters above sea level (masl) ang tubig sa San Roque Dam sa nasabing probinsya kung saan nasa 264.90-meters pa lamang ang kasalukuyang lebel nito.

Gayunman, nag-anunsyo na na walang pasok ang mga gobyernong lokal nitong Lunes (July 23).

Wala ring pasok sa buong probinsya ng Pangasinan, Bataan, Bulacan: Balagtas, Bocaue, Bulakan, Calumpit, Hagonoy, Malolos, Marilao, Meycauayan, Obando, at Paombong.

Nagkansela rin ng pasok ang Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Botolan, Candelaria, Castillejos, Iba, Masinloc, San Antonio, San Marcelino, Sta. Cruz, Subic, Olongapo City, Cavite, Laguna, Quezon sa Tiaong, Rizal: Cainta, Morong, Rodriguez, San Mateo, Taytay; METRO MANILA: Mandaluyong City, Pasig City, Caloocan, Las Piñas, Manila, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Paranaque City, Pateros, Quezon City, Taguig, Valenzuela; MIMAROPA — Oriental Mindoro: Baco, Naujan, San Teodoro; at Iloilo City.

Kanselado rin ang klase sa La Verdad Christian College (Apalit-all levels)
La Verdad Christian College (Caloocan-all levels)

Malaking problema umanong hindi madaanan ang mga kalsada dahil mataas na lebel ng tubig kaya isinailalim sa state of calamity ang bayan.

Ayon naman kay Dr. Merijean Ortizo, pinuno ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office, pinaghahanap ang isang lalaking nawala kasabay ng malakas na pag-ulan sa Bago City, Negros Occidental nitong araw ng Linggo.

Nawala umano ang lalaki noong Linggo ng hapon habang nangingisda sa Barangay Tabunan.

Pinaniniwalaang nalunod ang lalaki dahil sa malakas na agos ng tubig.

Abot na sa 79 pamilya ang nag-evacuate sa Barangay Lag-asan dahil sa pagtaas ng tubig sa Bago River kaya nagdesisyon ang City Disaster Risk and Reduction and Management Council ng Bago na ikansela ang pasok sa lahat ng lebel sa nabanggit na lungsod dahil sa mga naitalang pagbaha simula noong weekend.

Kinumpirma rin ni Mayor Niel Lizares na suspendido rin ang pasok sa lahat na mga lebel sa Talisay City araw dahil sa malakas na ulan.

Nagpaabot din ng mensahe si Mayor Jilson Tubillara na kanselado rin ang klase sa bayan ng San Enrique.

Nilinaw naman ni Mayor Evelio Leonardia na tuloy ang pasok sa Bacolod City dahil walang naitalang pagbaha.

Sa Benguet, iniulat ni Itogon Mayor Victorio Palangdan na patay ang isang security guard matapos maanod sa Camp 5.

Naharangan umano ang daanan ng tubig sa ilalim ng tulay kaya tumaas ang lebel nito at umagos sa kalsada.

Sa ngayon ay hindi pa madaanan ang nasabing kalsada at naka-stand by na rin ang loader ng bayan na magsasagawa ng clearing operation.

Nahulog din umano ang apat na bahay sa Tipong, Ampucao matapos gumuho ang lupa doon.

Nakabitin rin ang isang paaralan sa Goldfield, Poblacion matapos gumuho ang lupa sa ilalim nito dahil sa lakas ng agos ng tubig sa ilog. – NENET L. VILLAFANIA