RELIHIYON AT MGA PAASANG PAHAYAG

RELIHIYON AT MGA PAASANG PAHAYAG

August 30, 2022 @ 2:58 PM 4 weeks ago


NAKAPANLULUMO ang sinasapit ng naabusong overseas Filipino workers sa ilang bansa sa Gitnang Silangan at kapuri-puri si Senator Raffy Tulfo sa paglalahad niya nito sa kanyang privilege speech sa Senado noong nakaraang linggo.

Panahon nang magkaroon ng makapangyarihang tinig na tulad nito sa Kongreso, lalo na’t bago pa lang ang ating Presidente at pinag-iisipan pa lang niya nang mabuti ang magiging paninindigan ng ating polisiyang panlabas sa mga bansa kung saan maraming OFWs ang nalalagay sa alanganin.

Alas! Gumitna sa podium si Sen. Robinhood Padilla at ginawan ng isyu ang paggamit sa mga salitang “Islam” at “Muslim” – mga salitang hindi naman binanggit ni Tulfo, at nag-overreact nang marinig ang “Ramadan” – na hindi naman sinambit sa negatibong paraan.

Ang emosyunal at wala sa lugar na paghihimutok ni Padilla laban sa paggamit ng mga salitang ito, kaugnay ng kanyang relihiyon, ang naging dahilan pa tuloy upang mabigyang-diin na ang mga pag-abuso sa OFWs sa Gitnang Silangan ay nangyayari sa mga bansang Islam, kaya lalo pang nalinawan na ang mga salarin ay mismong mga Muslim.

Ang payo ko sa bagitong senador, iwasang palakihin ang mga bagay-bagay. Ang tanging napala niya ay ang agawan ng eksena ang matagal ng problema ng maraming OFWs. Bilang isang batikang action star sa pelikula, alam ni Padilla, higit kanino pa man, na hindi niya makukuha ang atensiyon ng mga manonood sa pamamagitan ng pag-o-overacting.

Isa pa, kung mayroon mang taga-Senado na nakagawa ng hindi maganda sa relihiyong Islam, sasabihin ng mga kasamahan niya sa Marawi Grand Mosque sa Mindanao na iyon ay walang iba kundi si Padilla mismo, dahil sa paghahain niya ng panukalang nagsusulong ng same-sex unions.
***

Sinabi ni Vice President at concurrent Education Secretary Sara Duterte na kahit may pandemya, handang-handa ang lahat ng paaralan sa bansa sa pinakahihintay na pagbabalik-eskuwela nitong Lunes.

Kaya bakit nagrereklamo ngayon ang ilang magulang na hindi raw preparado ang mga eskuwelahan? May mga komento sa social media ang sa mga sira-sirang silid-aralan na pinapasok ng baha kapag umuulan; sa mga banyong walang sabon o kahit tubig man lang; sa mga kuwartong hindi pinapasok ng hangin at siksikan; sa mga klinikang walang medical personnel; sa kakulangan ng karampatan at kinakailangang pag-iingat; at sa kawalan ng mismong sistema?
***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.