Remate Express nilampaso ang True Boss Beer Drink Masters sa CBA

Remate Express nilampaso ang True Boss Beer Drink Masters sa CBA

March 12, 2023 @ 3:07 PM 2 weeks ago


QUEZON CITY, Philippines – Naitala ng Remate Express ang kanilang come from behind na panalo kontra True Boss Beer Drink Master, 76-67,  sa mainit na bakbakan sa pagsisimula ang Mama’s Cita’s Chinoy Basketball Association (CBA) Friendship Cup na sumipa noong  Sabado sa Aero Center Basketball Court sa Quezon Avenue, Quezon City.

Mahigpit ang naging bakbakan ng dalawang koponan kung saan nagtapos ang 1st quarter sa iskor na 19-18 pabor sa Masters. Sa 2nd quarter, tambak pa rin ng pito ang Express, 42-35.  Sinubukan ng Express na humabol sa 3rd quarter subalit natambakan pa sila ng sampu sa iskor na 58-48.

Pero sa pagpasok ng 4th quarter, dito na umarangkada ang manlalaro ni Remate Express Team Manager Benny Antiporda at sinimulan na ang unti-unti pagtapyas sa kalamangan ng Masters na nagbunsod sa kanilang panalo.

Nanguna para sa Express si Miguel Corteza na kumamada ng 27 point, 14 boards at isang assist. Umambag din sa panalo sina Renzel Yungco na may 12 points at tig-9 points naman ang isinalpak nina  Maverick Ayner Chua at Ralph Chua.

Ayon kay Express  coach Leomarc Pascual, iniba nila ang kanilang atake sa 4th quarter upang hiyain at maagaw sa Masters ang panalo.

“Malakas ang kalaban pero nakagawa sila ng 24 turnovers kontra sa 15 ng Express kaya sa  bandang huli  ay nakuha namin ang panalo,” ayon kay Pascual.

Sa panig ng Masters nanguna sina Carlo Lim na may 27 points at Kent Lao na may 12 points. Genie Villota