Remulla: Construction site na nakitaan ng mga kalansay, posibleng archeological site

Remulla: Construction site na nakitaan ng mga kalansay, posibleng archeological site

November 26, 2022 @ 11:34 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes na ang construction site sa loob ng Department of Justice (DOJ) compound ay posibleng isang archeological site kasunod ng pagkakadiskubre ng kalansay ng tao roon.

“So we’re looking at this as a probable archaeological site. Baka, [Maybe] this might be war time,” ani Remulla.

“We already talked to the construction people so that when they take the cement layer, if they see any sign, stop muna yung work, let them do their work as anthropologists and archaeologists,”  aniya pa.

Ang tatlo hanggang limang set ng mga kalansay ay nahukay noong Huwebes ng hapon sa dating gusali kung na pinagtatayuan ng library.

Sinabi ng anthropologist na si Tess De Guzman na kailangan nilang muling imbestigahan ang site dahil ang mga buto sa posibleng archaeological site ay inilipat.

“We need to see first, investigate the social context of the area since there’s [a] problem, the remains have been transported, so we need to study again,” ani De Guzman.

Magsasagawa naman ang archaeologist na si Michael Canilao ng stratigraphy study o analysis ng order at posisyon ng layers ng archaeological remains sa site.

Sinabi pa ni De Guzman na kada development partikular na saMetro Manila ay dapat na may permit mula sa National Commission for Culture and the Arts dahil malalim ang kasaysayan ng lugar mula pa noong precolonial times.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakatuklas ng kalansay sa loob ng DOJ main office.

Noong 2005, limang bungo at mga buto ng tao ang nahukay sa construction site kung saan nakatayo ang Forum Building.

Sinabi ng administrative official na gumamit ang mga sundalong Hapon ng garrison na dating matatagpuan sa DOJ building. RNT/SA