Remulla kay Bantag: Counter-affidavit ‘wag media interview

Remulla kay Bantag: Counter-affidavit ‘wag media interview

November 9, 2022 @ 12:56 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinikayat ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Miyerkules, Nobyembre 9 si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag na maghain ng kanyang counter affidavit sa paniniwala niyang ang itinuturong mastermind sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid ay nasa bansa pa rin.

“I would say so because remember they’re government officials,” ani Remulla nang tanungin kung si Bantag ba ay nasa bansa pa rin.

“Hindi ka puwedeng umalis ng Pilipinas kapag wala kang travel authority. Unless they secured passports that did not reflect their true professions,” dagdag niya.

Kasabay nito ang panawagan niya na maghain si Bantag ng counter affidavit at iwasan ang pagbibigay ng sagot sa pamamagitan ng media.

“Sana sumagot sila ng counter affidavit. Huwag sila sa media sasagot. Mag-counter affidavit sila. ‘Yan ang proseso ng batas natin e. Igalang nila ang batas. Alagad sila ng batas tapos ganyan sila magsalita, ‘di ba?” aniya.

“Walang drama-drama. Face it like a man. Kung ‘di ka lalaki, if you cannot face it, then what are you? Face it. Ang dami-daming drama,” dagdag pa nito.

Matatandaan na nitong Miyerkules din, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Bantag at BuCor official Ricardo Zulueta, mga itinuturong mastermind sa pagpatay kay Lapid ay nananatili pa rin sa loob ng bansa.

Nitong Lunes, Nobyembre 7 ay naghain na ng murder complaints ang NBI at Philippine National Police laban kina Bantag, Zulueta at iba pa sa pagpatay kay Lapid at sa itinuturong middleman na si Jun Villamor na naiulat ding nasawi sa loob mismo ng New Bilibid Prison.

Ayon naman kay NBI supervising agent Atty. Eugene Javier, sinusubukan na nilang magpalabas ng precautionary hold departure order laban kina Bantag at Zulueta.

“We’re trying to secure a precautionary hold departure order through the cooperation of the prosecutor. Although we have information that both people are still in the country,” tugon ni Javier sa panayam naman ng ANC. RNT/JGC