Remulla: Marcos Admin tututok sa big-time drug suppliers

Remulla: Marcos Admin tututok sa big-time drug suppliers

January 30, 2023 @ 10:52 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nais ng Marcos administration na wakasan na ang small-time buy-bust operations na isinasagawa nang arawan o lingguhan, at tumutok sa big-time drug suppliers, base kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Sinabi ni Remulla na ang tunay na problema ng bansa sa illegal drugs ay ang big drug players at multi-million peso enterprises, kaya tututukan ito ng pamahalaan.

“Ang ating sinasabi ngayon, itigil na ‘yang tingi-tingi na ‘yan na buy-bust araw-araw .01% na isang gramo, ikukulong mo ang tao panghabang buhay. Tigilan na natin ‘yan. Let’s be better enforcers. Let us look at the problem from the source, not from the… Ang mas mahalaga, itigil na natin itong cara-cruz operations,” pahayag niya.

“Dapat doon talaga tayo nagko-concentrate kung paano aawatin ang pagpasok ng Pilipinas at kung paano aawatin ang pagdi-distribute ng droga sa Pilipinas,” dagdag niya.

Taliwas sa kanyang predecessor, sinabi ni Remulla na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. “wants a more compassionate form of justice.”

Nitong May 2022, sinabi ni Marcos na hiniling sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpatuloy ang war on drugs, subalit sa sarili niyang paraan.

Samantala, tiniyak ni Remulla na makukumpleto ang lahat ng reporma sa criminal justice system sa bansa bago ang 2028 elections.

“Lahat ng ating ginagawa, tatapusin natin before 2028. By 2027, tapos lahat ng ating mga in the pipeline na pagbabago na kinakailangang gawin para sa ating system of criminal justice,” anang Justice Secretary.

Noong Nobyembre 2021, inilunsad ng Marcos administration ang anti-illegal drugs advocacy program  na tinaguriang “Buhay Ay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA).”

Makikipagtulungan ito sa mga barangay, simbahan at religious communities, at mga pamilya para tugunan ang drug problem at i-rehabilitate drugs addicts. RNT/SA