Remulla nakipagpulong kay Fortun sa mga nadiskubreng kalansay sa DOJ

Remulla nakipagpulong kay Fortun sa mga nadiskubreng kalansay sa DOJ

November 25, 2022 @ 2:57 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nakipagpulong si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa kilalang forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun at isang anthropologist nitong Biyernes ng hapon, Nobyembre 25.

Ito ay para pag-usapan ang mga nakitang kalansay at isang bungo sa excavation site sa compound ng Department of Justice kahapon, Nobyembre 24.

Una nang ipinayo ni Fortun na huwag hawakan ang mga kalansay sakaling mayroon pang madiskubre sa hinaharap.

Sinabi naman ni DOJ Spokesman at Assistant Sec. Mico Clavano na posibleng sa tatlo hanggang limang tao ang mga kalansay ang nakuha.

Ang bilang ay batay aniya lamang sa inisyal na impormasyon at kahit isang bungo lamang ang nakuha, maraming “fragments” na narekober.

Samantala, inaasahan ng DOJ na makapagsusumite ng report ang National Bureau of Investigation ngayong araw o sa unang bahagi ng susunod na linggo ukol sa mga nakuhang kalansay. Teresa Tavares