Remulla sa drug war killings: Tayo na ang mag-iimbestiga

Remulla sa drug war killings: Tayo na ang mag-iimbestiga

February 26, 2023 @ 9:31 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Iginiit nit Justice Secretary Crispin Remulla nitong Sabado, Pebrero 25 na magkakasa sila ng sariling imbestigasyon patungkol sa serye ng patayan sa ilalim ng war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang inihayag ni Remulla matapos ang usapan sa pagitan ng European Parliament Subcommittee on Human Rights na matatagalan pa para maparusahan ang mga nasa likod ng pagpatay sa kasalukuyang usad ng imbestigasyon.

“We will do it on our own,” ani Remulla.

Nauna nang siniguro ni Hannah Neumann, vice-chairperson ng subcommittee, na masisiguro ng suporta ng International Criminal Court’s (ICC’s) ang maayos na imbestigasyon para sa nasa 6,000 insidente ng pagpatay sa drug war campaign.

Idinagdag pa ni Neumann na ang pakikibahagi ng ICC ay makatutulong sa pamilya ng mga biktima at witnesses na magkaroon ng kumpiyansa na hindi sila makararanas ng anumang harassment at pananakot
“by the very same people who killed their loved ones.”

Noong Enero ay pinayagan na ng ICC ang muling pagbubukas ng imbestigasyon sa war on drugs ng Duterte administration.

Matatandaan na noong 2018 ay inalis ni dating-Pangulong Rodrigo Duterte ang Pilipinas sa Hague-based tribunal’s Rome Statute, na umepekto naman noong 2019, matapos pagsisimula ng ICC sa preliminary probe sa mga alegasyon ng state-sanctioned killings kaugnay ng war on drugs.

Sinabi rin ng Pilipinas sa ICC na wala itong hurisdiksyon sa bansa para magsagawa ng imbestigasyon.

Sa datos, mayroon umanong 6,181 katao ang napatay sa drug war ni Duterte, ngunit ayon sa rights groups, aabot ng 30,000 ang napatay dito. RNT/JGC