Remulla sa ICC drug war probe: ‘Wala tayong pinagtatakpan dito’

Remulla sa ICC drug war probe: ‘Wala tayong pinagtatakpan dito’

January 30, 2023 @ 9:14 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Itinanggi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pinoprotektahan niya si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa muling pagbubukas ng International Criminal Court (ICC) investigation sa drug war ng nakaraang administrasyon.

“Wala tayong pinagtatakpan rito,” pahayag ni Remulla. “Kung meron silang ebidensya gustong i-share sa atin na makakatulong sa imbestigasyon, bakit hindi? Ba’t kinakailangan sila umusig sa kanilang korte? May sarili tayong korte rito eh.”

“Kung meron silang gustong usigin, ipakita nila ang ebidensya, ibigay nila sa’min ang ebidensya, kami ang uusig kasi kami ang may responsibilidad sa bansa natin,” dagdag niya.

Sa pagbibigay-awtorisasyon sa sa muling pagbubukas ng imbestigasyon, sinabi ng ICC na ito ay “not satisfied that the Philippines is undertaking relevant investigations that would warrant a deferral of the court’s investigations.”

Tinawag ni Remulla ang reopening na “unwelcome” at isang “irritant”, at binigyang-diin na hindi niya papayagan na kuwestiyunin ang soberanya ng Pilipinas.

Itinanggi rin ng Justice Secretary ang pag-uugnay sa tugon ng departamento sa pahayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.

Nanungkulan si Dela Rosa bilang Philippine National Police (PNP) chief nang mahalal si Duterte bilang presidente noong 2016 at ipatupad ang drug war Oplan Tokhang.

“Wala akong kinakausap sa kanila. Hindi ko sila kinakausap tungkol sa mga bagay na ‘yan. We are handling the justice system the way it should be handled,” giit ni Remulla.

Subalit, nang tanungin kung tinatalakay ang ICC probe kay Vice President Sara Duterte, anak ni ex-President Duterte at political ally ni Remulla noong 2022 elections, sinabi ni  Remulla na wala siyang nakikitang problema kung mangyari man ito.

“Kung magkakaron ng pagkakataon pag-usapan namin, pagu-usapan namin. Lagi ko naman siyang kasama kapag umaalis ang Pangulo, kami ang executive committee ng Pangulo… Walang problema, pwede kaming mag-usap. Pag-usapan namin ‘to,” aniya. 

Batay sa datos ng pamahalaan, hindi bababa sa 6,200 drug suspects ang napaslang sa police operations mula June 2016 hanggang November 2021 mula sa nasabing drug war.

Ilang human rights groups ang nagsabing ang tunay na bilang ng mga namataya ay nasa 12,000 hanggang 30,000. RNT/SA